Join MultiplyOpen a Free ShopSign InHelp
MultiplyLogo
SEARCH
Blog EntryMay 14, '09 12:24 AM
for everyone
Kanina ay binabasa ko ang mga entries sa ygroup ng batch namin nung high school.  Sa isa sa mga posts ay merong tungkol sa everlasting life.  Biglang naglaro ang utak ko, at nagreply sa message na iyon.  Gusto kong i-share dito 'yung naging reply ko:

Kung ililibing man ako, sana pati kaluluwa ko ay kasama sa libingan.  Sana pati kaluluwa ko ay kasamang mabaon sa ilalim ng lupa o makulong sa loob ng nitso.  Babawalan ko ang aking kaluluwa na lisanin ang aking laman.  Sakali mang i-cremate ako, sana ay kasamang masunog ang aking kaluluwa.  Para kasing ang hirap-hirap ng kaluluwa nang walang laman, kung paanong ang hirap-hirap ng laman nang walang kaluluwa. 

090513, 11:43 pm
Montreal, Quebec, Canada

Blog EntryMay 13, '09 12:09 AM
for everyone
I am reposting a short series of messages posted by a certain 'kickice' on my review of 'Masahista.'  The anonymous sender accused the producers of the film of alleged wrongdoing without providing proof of such allegations, or maybe with a view of providing proofs later. 

I think it is best to repost as a blog entry kickice's messages and my reply to these messages. 

You can also visit my review of 'Masahista' to read the source of this reposted blog entry.  Thank you.


kickice wrote today at 8:35 AM, edited today at 11:30 AM
Fedelyn, Maria, and Melissa Geling steal money and are frauding the Filipino communites...............

kickice wrote today at 8:42 AM, edited today at 11:31 AM
Maybe now the public and the artist of the philippines will realize that the Geling family(Calla Lily Productions and Gee Entertainment) are frauding the Filipino communities in the philippines and in the US. Thieves !!! Professional Liars !!

kickice wrote today at 11:34 AM
       kickice said: [the sender's reply to his/her own post -- Eli Guieb]
       Yes they are Liars and Thieves.  [based on this earlier post of the sender: "Maybe now the public and the artist of the philippines will realize that the Geling family(Calla Lily Productions and Gee Entertainment) are frauding the Filipino communities in the philippines and in the US. Thieves !!! Professional Liars !!"]

MY OWN REPLY:
eliguieb wrote today at 7:49 PM, edited today at 11:39 PM

hi kickice:
I would highly appreciate it if you could properly introduce yourself, particularly if you are to leave messages like those that you have posted here.  I highly encourage readers to send in empirically founded information to substantiate claims, arguments and comments.  We must all be aware, however, that arguments, no matter how harsh they are, must always be informed comments grounded on reasoned judgment, and contextually framed within the review or criticism that I have written.  I think it is best, as responsible critics, to be open about our identities as well.  Your site does not provide us with any hint of your identity.  Accountability is a very important aspect of criticism.  We owe it to our readers.  Thanks. 



Blog EntryMay 5, '09 2:33 AM
for everyone

BANTA

isang dulang pangtelebisyon ni


ELI RUEDA GUIEB III

(Nagwagi ang dulang ito ng ikalawang gantimpala sa 1999 Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.  Noong taon ding iyon ay prinodyus ito ng Tambuyog Development Center.   Subalit ang video ay ginawa kong docu-drama.  Wala akong binago sa iskrip, pero dinagdagan at hinaluan ko ng mga testimonyo at imahe ng pakikibaka ng mga mangingisda sa pagkakamit ng karapatan sa dagat.  Ako rin ang nagdirek ng docu-dramang ito.)


OBB:

Itim ang iskrin.  Habang isa-isang lumalabas ang opening credits, maririnig sa background ang nakakatakot na unos: malalakas na along humahampas sa batuhan, umuugong na hangin, dumadagundong na kulog, sumasagitsit na kidlat, pero walang mga boses ng tao.  Bagamat malakas ang mga tunog na ito, nasa background level lamang ito.  Kasabay ng mga tunog na ito ay maririnig rin natin ang VOICE-OVER NG ISANG MATANDANG LALAKI.

Fade in:
Inihahandog ng
(pangalan ng producing company)

Fade out.

    VOICE OVER NG MATANDANG LALAKI:
    Sino ang makapag-aalinlangan na sa lahat ng sandali ay maaari tayong mabingit sa panganib at kaypala’y sa libo mang kamatayan kung hindi tayo inalalayan ng biyaya ng Dios at ng di matingala Niyang tadhana?

Fade in:

BANTA

Fade out.

Lalakas ang tunog ng unos.

Roll Opening Credits.

Mananatiling malakas ang tunog ng unos.  Pagkaraan ng ilang sandali ay MAGKO-CROSSFADE ang SFX ng unos sa SFX ng payapang dagat.

FADE IN FOR:


SEQUENCE 1: EXT/DAPITHAPON/APLAYA.

CU ni TATA SARYO.  Sa kanya ang boses na naririnig natin sa opening sequence.  Patuloy ang kanyang panalangin.  Naririnig pa rin natin ang tunog ng payapang alon ng dagat. 

    TATA SARYO:
    Panganib sa karagatan . . .

Flash shot ng dynamite fishing.  CU ni RUBEN.  
    
    VO NI TATA SARYO:
    . . . panganib sa katihan . . .

Flash shot ng kinakalbong bundok.  CU ni RICO.

    VO NI TATA SARYO:
    . . . sa masasamang kaibigan . . .

Flash shot ng pagtatapon ng mine tailings sa dagat.  CU ni ALING ROSING.

    VO NI TATA SARYO:
    . . . panganib sa pag-iisa . . .

Flash shot ng mga batang nagmumuro-ami.  CU ni NITA.

    VO NI TATA SARYO:
    . . . sa paglakad . . .

Flash shot ng pabrikang nagtatapon ng duming kemikal sa ilog.  CU ni MELBA.

    VO NI TATA SARYO:
    . . . sa lipunan . . .

Flash shot ng coal-fired thermal power plant o anumang pabrikang nagbubuga ng maitim na usok.   CU ni PILAR.

    VO NI TATA SARYO:
    . . . sa paglalakbay . . .

Flash shot ng dagat na pinasabugan ng dinamita.  CU ni LEA.

    VO NI TATA SARYO:
    . . . sa araw at sa gabi . . .

Flash shot ng news clippings tungkol sa red tide.  CU ni MANG GUSTING.

    VO NI TATA SARYO:
    . . . mga panganib na ayon sa Apostol ay pawang nakaumang sa lahat ng bagay.
Flash shot ng mga nakalutang na isda.  CU ni ALING MILA.

    VO NI TATA SARYO:
    Kung gayon, sino iyang nilikhang tanging pinagkalooban ng Maykapal ng malaking kapangyarihan na sa gitna ng lahat ng panganib ay siya nating matatawagan at laging nakalaan naman upang tayo’y saklolohan?

KAM tilt down sa CS ng kamay ni Aling Mila, may hawak na lumang palayok.  Ibababa ni Aling Mila ang palayok sa dagat, palulutangin ito, ipatatangay sa alon ng dagat.  Susundan ng kamera ang inaalong palayok.  Habang nagtitildown at sinusundan ng kamera ang palayok ay patuloy pa rin nating maririnig ang VO ni Tata Saryo.

    VO NI TATA SARYO:
    Siya’y dili iba kundi si Maria, ang matamis na Ina ng Laging Saklolo.  Puno ang kasaysayan ng kanyang matapat at matatamis na pagtangkilik sa tao upang iligtas ang tao sa mga panganib at daya ng mundo.

FS ng aplaya.  Mababa pa ang araw.  Malalaman natin na nasa tabing-dagat sina ALING MILA, TATA SARYO, RUBEN, NITA, PILAR, RICO, MELBA, ALING ROSING, LEA, isang BATANG LALAKING ALALAY NI TATA SARYO, isang BABAENG KABABARYO (si ALING LORETA) at dalawang LALAKING MANGINGISDA (isa na rito si MANG GUSTING).  Nakasilhouette sila sa liwanag ng araw.  Payapa ang dagat.  Hanggang bewang nila ang tubig. 

    LAHAT:
    Kaibig-ibig na Ina, ipadama mo po sa amin ang lagi mong pagsaklolo at iligtas mo kami sa lahat ng panganib. 

Matatapos ang sequence sa CS ng inaalong palayok.  


CUT TO:


SEQUENCE 2: INT/GABI/KUSINA/BAHAY NINA ALING MILA.

CS ng isang luma’t maitim na kaldero na nasa isang kalang inaapuyan sa kahoy.  Bagamat CS ito ng kaldero, makikita naman ang FS ng kusina.  Ang buong sequence na ito ay FS lang ng kusina.  Nasa foreground ang maitim na kaldero. 

Sa kaliwang iskrin ay makikitang nag-aaral sa maliit na mesa si PILAR.   Sa kabilang bahagi ng mesa ay nakaupo sa bangko si ALING MILA, nakatalikod kay Pilar at nakaharap lang sa kinaroroonan ni NITA na hindi pa nakikita sa iskrin.  May maririnig tayong tunog ng mga hinuhugasang pinggan. 

Susubo ang kanin.  Papasok sa iskrin si NITA, bubuksan ang takip ng kaldero, babawasan ang kahoy sa kalan, babalik sa hinuhugasan.

Mula sa labas ay papasok sa kusina si RICO, may bitbit na container ng tubig, halatang nag-igib, ibubuhos ang tubig sa isang plastik na dram na katabi ng kalan. 

    NITA: (off cam, habang pumapasok si Rico)
    Ba’t ngayon ka lang?

    RICO: (humihingal pa)
    Ang haba ng pila sa balon.

    PILAR: (sisingit sa usapan)
    Ku, maniwala ako.  Sabihin mo, dumaan ka muna kay Lucita.  

    ALING MILA: (babaling kay Pilar)
    Pilar, ‘yang pag-aaral mo ang atupagin mo.  

    RICO: (sa ina)
    Mababaw po ang balon ngayon.  Mahirap sumalok.

    ALING MILA:  
    Huwag mo kaming lokohin, Rico.  Kailanman ay hindi ko nakitang naubos ang tubig sa balon.

    NITA: (off cam)
    Inay, ilang linggo nang mababaw ang balon.  

Hindi kikibo si Aling Mila.  May tunog ng motor ng bangka na maririnig sa background.  Mababalisa si Pilar, may titingnan sa gawing likod ng palda, matatakot.

    PILAR: (takot ang boses)
    Nay, dugo.

Tatakbo si Pilar kay Aling Mila.

    PILAR: (habang lumalapit sa ina)
    Nay, naihi ako ng dugo.

Sisiyasatin ni Aling Mila ang dugo sa palda ng anak.  Lalapit sa kanila si Nita.  Makikiusyoso rin si Rico.  Naiiyak na si Pilar.

    ALING MILA: (may pagkagulat)
    Nireregla ka na, anak.

Papasok si RUBEN, buhat sa pangingisda, may bitbit na ilang tuhog ng isda.  

    RUBEN: (habang inilalapag sa isang bahagi ng kusina ang mga isda)
    O, ano’ng nangyari d’yan?

    ALING MILA: (kay Ruben)
    Si Pilar, nireregla na yata.
    
Aakayin ni Aling Mila si Pilar papunta sa hagdanan sa harap ng bahay.

    ALING MILA: (habang hinihila si Pilar)
    Tena sa tapat ng hagdanan.  Doon kailangang maligo ang mga dalagang unang dinatnan ng regla. (kay Nita)  Bilis, Nita, mag-init ka ng tubig.

Kukuha ng kaldero si Nita, lalagyan ito ng tubig at isasalang ito sa kalan.  

    NITA: (kay Rico, habang nagsasalang ng tubig)
    Rico, magsalok ka pa ng tubig.  (kay Ruben)  Bahala ka na, Ruben, d’yan sa isda.  Iprito mo na lang. 

May pitada ng barko tayong maririnig sa background.  Malakas ang pitadang ito.  

CUT TO:


SEQUENCE 3: EXT/GABI/DAUNGAN.

FS ng dumaraong na barko ng mga fishworker.  Pipitadang muli ang barko.  Sa barkong ito nanggaling ang pitadang una nating narinig sa Sequence 2.  Naglalapitan ang mga maliliit na bangka sa barko, may lulang mga babae.  May voice over ng dalangin ng mga tao tayong maririnig sa background.

    VO NG MGA NANANALANGIN:
    Ina ng Laging Saklolo,
    Halina’t tulungan ako.
    Birheng mapaghimala,
    Ilawit ang iyong awa.  


CUT TO:


SEQUENCE 4: INT/GABI/BAHAY NINA ALING MILA.

CU ng imahe ng Ina ng Laging Saklolo.  Patuloy pa rin nating maririnig ang VO ng mga nananalangin na una nating narinig sa Sequence 3.

    VO NG MGA NANANALANGIN:
    Sa bayan ng madlang hirap,
    Paningin Mo ay ilingap,
    Sa Iyong mga anak,
    Sumasamo’t tumatawag.

FS ng loob ng bahay nina Aling Mila.  Makikita nating nagdarasal ang BUONG PAMILYA NINA ALING MILA, kasama sina TATA SARYO, ALING ROSING, LEA, MANG GUSTING, ALING LORETA at iba pang kababaryo. 

Nakaharap sila sa altar.  Ang altar ay nakaforeground sa kamera; makikita sa foreground ang nakatalikod na imahe ng Ina ng Laging Saklolo at ang isang lumang krusipiho.  Nasa kawayang sahig ang mga imahe.  May nakatulos na kandila sa paligid ng mga imahe.
 
    ALING LORETA:
    Ama namin, sumasalangit Ka.  Sambahin ang Ngalan Mo. Mapasaamin ang Kaharian Mo.  Sundin ang loob Mo dito sa lupa para nang sa langit.

    LAHAT:
    Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw.  

Flash shot ng mga news clippings tungkol sa mga development projects sa coastal communites. 

    VO NG MGA NANANALANGIN:
    At patawarin Mo kami sa aming mga utang, para nang pagpapatawad namin sa mga nangagkakautang sa amin.  At huwag Mo kaming ipahintulot sa tukso, at iadya Mo kami sa dilang masasama.  Amen.

CUT TO:


SEQUENCE 5: EXT/GABI/ISANG BANGKA SA LAOT.

Ang buong sequence ay FS ng bangka sa laot.  Payapa ang dagat.  Hindi umaandar ang bangka.  May mahina itong ilaw na de-langis.  Ang bangka ay natatanglawan ng liwanag ng buwan. 

Umuuga ang bangka.  May ilang paghingal na maririnig.  May isang kamay ng BABAE na kakapit sa gilid ng bangka.  May kamay ng LALAKI na hahawak sa kamay ng babae.  Mayamaya’y may paa ng babaeng ipapatong sa gilid ng bangka.  

CUT TO:


SEQUENCE 6: INT-EXT/GABI/BAHAY NINA ALING MILA.

MS ni ALING MILA, nakapamintana, humihikbi, pero pinipigil ang sarili.

    RUBEN: (off cam)
    Inay, ginagawa namin ang lahat ng paraan para mahanap si Itay.  

MS  nina Aling Mila, RUBEN at TATA SARYO.  Nakaupo sina Ruben at Tata Saryo sa isang mahabang bangko sa tapat ng bintana ng bahay.  Nasa labas sila.

    ALING MILA: (pinipigil ang sarili)
    Ilan bang rosaryo ang kailangan kong dasalin, ilang pag-aalay sa dagat ang dapat nating gawin para matiyak kung ano ang nangyari sa ama mo?

Katahimikan.

    TATA SARYO:
    Naku, ang batang ito, kung magsalita’y parang hindi marunong maawa ang Diyos.

    ALING MILA:
    Gano’n na nga ho yata iyon, Tata Saryo.  

    RUBEN:
    Makikita rin natin siya, Inay.

    ALING MILA:
    Kaya kong tanggapin, Ruben, kung nilamon siya ng unos ng amihan n’ung gabing iyon.  Ang hindi ko kayang tanggapin ay ‘yung hindi natin makita ang kanyang katawan.  Ang gusto kong makita, yung katawan niya, patay o buhay, hindi ang mga piraso ng kanyang bangka na winasak ng amihan.   

    TATA SARYO:
    Maging ako, Mila, ay naguguluhan sa mga nangyayari ngayon sa isla.  Ewan ko.  Hindi ko maintindihan.  Hindi na yata kayang saluhin ng salatan ang amihan.  Mahina na rin yata ang daplak para sa habagat.  

CUT TO:


SEQUENCE 7: EXT/GABI/APLAYA.

May dumaraong na bangkang de-sagwan.  Ito ang bangkang nakita natin sa Sequence 5.  Nagtitikin ang isang LALAKI.  Bababa mula sa bangka ang isang BABAE, hawak-hawak ang sinelas, lalakad sa pampang, isusuot ang sinelas pagdating sa aplaya.  Sila rin ‘yung mga karakter sa Sequence 5.   Sa hugis ay makikilala natin ang babae, si MELBA.  Halos patakbong uuwi si Melba.

    LALAKI: (maingat na pasigaw, hindi gaanong kalakasan)
    Si Kapitan, hinahanap ka ni Kapitan.

    MELBA: (pasigaw rin halos, pero maingat)
    Bukas.   Sabihin mo, bukas ko siya dadalawin.  


CUT TO:


SEQUENCE 8:  INT/GABI/BAHAY NINA MELBA.

CS ng kamay ni MELBA, binubuksan ang kawayang pinto ng kanilang bahay na dampa.  Maingat siyang papasok ng bahay, at marahan niyang isasara ang pinto.  Hindi pa niya naisasara ang pinto ay may boses na ng BABAE tayong maririnig.

    BABAE: (off cam)
    Hindi ka na talaga kayang pagsabihan.

MS ni Melba, itutuloy lang niya ang pagsasara ng pinto.  Lalapit siya sa pinanggalingan ng boses, ang kanyang ina, si ALING ROSING.  Magmamano siya rito.   Nakaupo si Aling Rosing sa apat-na-baitang na hagdanang papasok sa dalawang maliit na kuwarto ng kanilang bahay.  Hindi ibibigay ni Aling Rosing ang kanyang kamay.

    ALING ROSING:
    May gana ka pang magmano.

    MELBA: (may hinanakit sa boses)
    Ano ang gusto n’yong gawin ko?

Sasampalin ni Aling Rosing si Melba, galit na galit.  Magtitimpi lang si Melba, pipigilin ang sarili sa pag-iyak.

    ALING ROSING: (matatag ang tinig)
    Hindi kita pinalaki para salaulain mo ang iyong katawan, o ipasalaula ito sa iba.
Padabog na tutuloy sa kuwarto si Melba.  Susundan siya ng tingin ng ina.

    ALING ROSING:
    Isang pitada lang ng barko, sumisilakbo na ang iyong dugo.

    MELBA: (off cam)
    Ganito rin ang ginawa ninyo nang iwan kayo ni Itay.

    ALING ROSING: (may pagkapahiya sa mukha)
    Matagal na iyon.  Pinagsisihan ko na ang lahat nang iyon.

    MELBA:  
    Inay, kailanman ay hindi ko kayo sinisi na ginawa ninyo iyon.  

    ALING ROSING:
    Iyon lang ang paraang alam ko para buhayin ka.  

May tunog ng bangkang de-motor na maririnig.  

    ALING ROSING:
    Ang walanghiya mong ama . . .

Puputulin ni Melba ang pagsasalita ni Aling Rosing.  Lilipat ang kamera sa MS ni Melba, naglalagay ng kulambo.

    MELBA: (maglilitanya na parang nagdarasal ng rosaryo)
    Ang walanghiya kong ama, iniwan tayo n’ung tatlong taon pa lang ako.  Sumama sa ibang babae, sa kumare mo pa.  Hindi nakatiis sa walang tigil na usapan ng ating mga kababaryo, kaya hayun, iniwan tayo rito sa baryo.  Kung saan nagpunta, hindi na natin alam.  (mapapagod) Ilang beses ko na itong narinig sa inyo, Inay?  Pagod na ako sa inyong litanya.

    ALING ROSING:
    Ayokong sapitin mo ang nangyari sa akin.  Ayokong maramdaman mo ang naramdaman ko. 

    MELBA:
    Mag-iipon lang ako, Inay.  Tapos, aalis tayo sa islang ito.

    ALING ROSING:
    Pinangarap ko na rin iyan noon.

    MELBA:
    Sisiguraduhin ko ngayon, Inay, na magkakatotoo ang pangarap n’yong iyan, ang pangarap nating iwanan ang islang ito. 

    ALING ROSING:
    Natatakot ako.  Natatakot akong mapahamak ka.  


CUT TO:


SEQUENCE 9: EXT/UMAGA/DALAMPASIGAN.
FS ng isang batang nagpapalipad ng saranggola sa dalampasigan.  Mainit ang ang araw.  Payapa ang dagat.  

COMMERCIAL BREAK 1


FADE IN FOR:


SEQUENCE 10: EXT/MADALING ARAW/LAOT.

Itinataas ni RUBEN ang pante, kaunti lang ang huli.  Paandarin niya ang bangkang de-motor, lilipat sa di-kalayuang lugar.  Muli niyang ihuhulog ang pante.  Sa background ay makikita ang istruktura ng isang dambuhalang proyektong pangkaunlaran.  Magsisindi siya ng sigarilyo, hihiga sa bangka, maghihintay ng huli.  Mayamaya’y may maririnig siyang putok ng bumbong.

CUT TO:


SEQUENCE 11: EXT/UMAGA/PAMPANG.

Papadaong na si RUBEN sa pampang.  Isa-isa ring nagdaratingan buhat sa laot ang IBA PANG MANGINGISDA.  May mga BABAENG NAGHIHINTAY sa pampang, kabilang rito si NITA. 

Pagdating sa pampang ay sasalubungin ni Nita si Ruben.  Kukunin ni Nita mula sa bangka ang kaunting isdang huli ni Ruben.  Ilalagay niya ang mga ito sa dala-dala niyang timba.  
Aayusin ni Ruben ang bangka, isa-isang kukunin ang gamit.  

Lalapit si Nita sa isang BABAENG pinaliligiran ng iba pang babae.  Iaabot ni Nita ang timba ng isda sa Babae.  Kikiluhin ito ng babae.

    BABAE: (kay Nita at habang may inililista sa papel)
    Tres medya.

Isasama ng babae ang mga isda sa iba pang isda sa kanyang harapan.  CS ng mga isda.  Maririnig natin ang tinig ng mga umaawit na bata.

    VO NG MGA BATA:
    O, isdang maliit
    May gintong palikpik
    Di baga mahirap
    Buhay mo sa tubig.  


CUT TO:


SEQUENCE 12: INT/UMAGA/TRIBUNAL.

Panning shot ng mga batang edad apat hanggang anim, nagkakantahan.  Sa kanila ang tinig na una nating narinig sa Sequence 11.
 
    MGA BATA:
    Laging lumalangoy
    Laging sumisisid
    Sa wari ko ba ay
    di ka umiidlip.

    O, isdang maliit
    Nais kong malaman
    Kung ika’y marunong
    Bumasa’t bumilang.

Tutuloy ang panning ng kamera sa kanilang titser, si LEA, sinusundan ang mga bata sa kanilang pagkanta.

    MGA BATA:
    Sapagkat kung ikaw
    Ay palaging mangmang
    Nararapat sa iyo
    Lutuing pang-ulam.

Pagkatapos ng kanta ay papalakpakan sila ni Lea.

    LEA: (habang pumapalakpak)
    Very good.   Ang galing-galing n’yo nang kumanta.  


CUT TO:


SEQUENCE 13: INT/HAPON/BAHAY NINA ALING MILA.

Nakaupo sa papag sa may tapat ng hagdanan si NITA.  Nakadapa naman sa papag si RUBEN, nakahubad.  Minamasahe ni Nita ang likod ni Ruben.  Maririnig rin sa background ang isang drama sa radyo, tungkol sa pagtataksil ng lalaki sa kanyang kasintahan.  Manaka-naka ring maririnig ang tunog ng mga motor ng bangka na nasa laot.  Nagpapahangin ang dalawa. 

    NITA: (habang minamasahe si Ruben)
    Masyado mong pinapagod ang sarili mo.

    RUBEN:
    Ano’ng mangyayari sa atin kung hindi ako magtatrabaho nang husto?

    NITA:
    Papagpahingahin mo rin ang katawan mo.  Tensyonadong-tensyonado ang mga kalamanan mo, e.

    RUBEN:
    Ikaw nga d’yan ang dapat magpahinga.  

    NITA:
    Dalawang buwan pa lang naman itong dinadala ko.  Kaya pa ng katawan ko.

    RUBEN:
    Hayaan mo, Nita.  Pag-aaralin natin ‘yang panganay nating ‘yan.  Para hindi siya matulad sa atin.  Hindi nakapagtapos.

    NITA:
    Ang sabihin mo, Ruben, kung hindi mo ako itinanan, di nurse na sana ako ngayon.  Baka nasa Amerika na kamo ako ngayon.

    RUBEN:
    Nagsisisi ka?

    NITA:
    Hindi naman.  Sayang lang, isang taon na lang sana, nakatapos na ako.

    RUBEN:
    Kaya nga galit na galit sa akin ang nanay mo.

    NITA:
    Gano’n lang talaga ‘yon.  Hamo’t kapag lumabas itong panganay natin, babait din ‘yun sa iyo. 

    RUBEN:
    Limang taon din nating hinintay ‘yan.

    NITA:
    Pangalawa na sana.  Kung hindi ako nakunan d’un sa una natin.

Ibabaling ni Nita ang asawa.  Sisimulan nitong hagurin ang sentido ni Ruben.

    NITA:
    Pati, sentido mo, pagod.

    RUBEN:
    Sa dami ba naman ng iniisip ko.  Lalo ngayong nawala si Itay.  Kailangang doble kayod.   Naaawa nga ako kay Inay, laging umiiyak.

    NITA:
    Ako man siguro ang mawalan ng asawa nang hindi ko alam kung ano ang nangyari, iiyak din ako.

Mapapangiti si Ruben.  May maririnig silang putok ng bumbong.   Mabibigla si Nita.

    NITA:
    Hindi na sila naawa sa mga isda.

    RUBEN:
    Wala nang mahuli e, kaya kung anu-anong paraan ang ginagamit.

    NITA:
    Pati dagat, pinapagod nila.

    RUBEN:
    Hindi natin sila masisisi.  Kung hindi nila gagawin ‘yon, gutom ang aabutin nila.  Kung hindi lang ako nakokonsensya, baka gawin ko rin ‘yon.

    NITA:
    D’yan tayo mag-aaway, Ruben.

    RUBEN:
    E pa’no kung talagang gipitan na, masisi mo ba ako?  Pa’no kung sabihin mong kulang na ‘yung isdang ibinibenta mo kay Aling Siyon, ano’ng gusto mong gawin ko, tumunganga na lang. Alangan namang sila lang ang makinabang d’yan. 

    NITA:
    Narinig mo na ba akong nagreklamo?

    RUBEN:
    Hihintayin ko pa ba naman ‘yon?  Kung ‘yun ngang mga malalaking palakaya na hindi dapat pumapasok dito sa loob ng ating dagat, pinapayagan ng barangay, ‘yun pa kayang mga maliliit na tulad natin ang hindi nila papayagan?

Muling idadapa ni Nita ang asawa.

    NITA:
    Si Billy nga pala, dumating.  Sakay n’ung barkong dumaong kagabi.  

    RUBEN:
    Alam ko.

    NITA:
    Nagdaan dito kaninang umaga.  Hinahanap ka.

    RUBEN:
    Alam niyang nasa laot ako kaninang umaga, kaya malakas ang loob na dumaan dito, kunyari hinahanap ako.  At kung dadaan uli siya rito, sabihin mong siguraduhin niyang wala ako.  Dahil oras na datnan niya ako rito, o datnan ko siya rito, magtago na siya sa pinanggalingan niya.

    NITA:
    Hindi niya kasalanan ang nangyari sa kapatid mo.  Alam mo ‘yan.

Hindi kikibo si Ruben.


CUT TO:


SEQUENCE 14:  EXT/HAPON/DALAMPASIGAN.

Naglalakad sa dalampasigan sina BILLY at MELBA.  Susundan ng kamera ang kanilang paglalakad.  

    BILLY:
    Usap-usapan ka ng mga trabahador sa barko.

    MELBA:
    Hindi lang ako sa mga trabahador sikat, Billy.  Dito sa ating isla, tanyag na tanyag ako.  Sanay na ako sa maraming kumakalat na kuwento.  Aaminin ko, ‘yung iba sa mga kuwentong ‘yon, totoo.  ‘Yung iba, gawa-gawa lang nila, ng mga malilikot nilang imahinasyon.  Tuwing madadaanan ko sila, alam ko, nararamdaman ko ‘yung mga tinging ipinupukol nila sa akin.  Siguro kung nakakamatay ‘yung matatalim nilang titig, matagal na akong patay.

     BILLY:
    Wala kang planong magbagong buhay?

    MELBA:
    Ikaw, ba’t ka nagt’yat’yaga sa barko?

    BILLY:
    Ito lang ang alam kong trabaho.

    MELBA:
    Sabihin mo, ‘yan lang ang puwede mong trabaho.  

    BILLY:
    Siguro, gano’n nga.

    MELBA:
    Ito rin lang ang puwede kong trabaho.

    BILLY:
    Kahit ayaw mo?

    MELBA:
    May pagpipilian ba naman tayo?  Ano’ng mangyayari sa akin sa pagdadaing ng isda?  Ano’ng mapapala ko sa paglalako ng mga binumbong na isda?  Kaysa isda ang ilako ko, ba’t hindi na lang itong katawan ko?  May pagkakaiba ba ‘yon?

    BILLY:
    Sayang.

    MELBA:
    Ang alin?

    BILLY:
    Nu’ng elementari pa tayo, ang tali-talino mo.  

    MELBA:
    Alam ko ‘yon.  Ako pa nga ang balediktoryan, di ba?

    BILLY:
    Ako, laging third honorable mention lang.

    MELBA:
    At si Ruben, dakila mong alalay no’n.  Kung hindi dahil do’n, matatapos mo ba ‘yung mga project mo? 

    BILLY:
    Galit pa ba sa ‘kin ‘yon?

    MELBA:
    Alam mo ba ang nangyari sa tatay niya?

    BILLY:
    Oo, nabalitaan ko kanina.  Kay Nita.  Galing ako sa kanila kaninang umaga.

    MELBA:
    Si Ruben, galit pa ‘yon sa iyo.

    BILLY:
    Alam ko.  Pero, sana makausap ko siya, kahit sandali lang.  

    MELBA:
    Kumusta na ang panganay mo?

    BILLY:
    Hayun, naglalakad na.   Gusto ko ngang ipasyal dito minsan.  Saka, para makilala na rin nina Inay at Itay ang manugang nila. 

    MELBA:
    Nasaktan din ako, Billy.  Pero tanggap ko na ang lahat.

    BILLY:
    Gano’n lang talaga siguro ‘yon.

    MELBA:
    Ano ngayon ang plano mo?

    BILLY:
    Gusto kong mag-Maynila.  Wala ring mangyayari sa kinikita ko sa barko.

    MELBA:
    May mangyayari naman kaya sa iyo sa Maynila?

    BILLY: (magkikibit ng balikat)
    Makikipagsapalaran.  

    MELBA:
    Puro pakikipagsapalaran.  Laging walang katiyakan.

    BILLY:
    Parang sugal.  Parang ‘yung sinabi sa akin ni Itay n’ung bata pa ako.  Ang pangingisda ay parang sugal, sabi niya.  Minsan panalo, minsan talo.  Panalo-talo, panalo-talo.  Gano’n nang gano’n.  Pero n’ung nagbinata na ako, iba na ang sinasabi niya.  Talo-talo.  Talo-talo.  Nawala na ang panalo.

    MELBA:
    Dapat ba laging gano’n?

    BILLY:
    Ano pa ba ang dapat nating asahan?  Hindi naman natin hawak ang buhay natin. 

    MELBA:
    Hindi ba puwede ‘yon?

    BILLY:
    Ewan ko.  Siguro, hindi.

    MELBA:
    Baka naman, kahit papaano, puwede.

    BILLY:
    Sana.

    MELBA:
    Bakit hindi puwedeng dapat?


CUT TO:


SEQUENCE 15: EXT/UMAGA/LAOT.

May TATLONG LALAKING MANGINGISDA sa isang bangka sa laot.  Tinutulungan ng dalawa ang isa nilang kasamahan sa pag-aayos ng kompresor nito.  Tatalon sa dagat ang lalaking nakakompresor.  

CUT TO:


SEQUENCE 16: EXT/UMAGA/HEALTH CENTER.

Maraming TAO sa loob ng sira-sirang heath center.  Marami ring SANGGOL na nag-iiyakan.  May BABAENG DOKTOR na tumitingin sa mga bata; tinutulungan siya ng isang BABAENG NURSE. 

Nakaupo sa bangko sa labas ng health center si NITA, hinihintay na tawagin ang kanyang pangalan.  Tatabihan siya ni TATA SARYO.

    TATA SARYO:
    Aba’y magpapatingin ka rin ba?

    NITA:
    Dalawang buwan na ho, Tata Saryo, itong dinadala ko.

    TATA SARYO:
    Tingnan mo nga naman.  Parang kelan lang kayo ikinasal ni Ruben, a.

    NITA:
    Kumusta na ho kayo?

    TATA SARYO:
    Naku, matanda na yata talaga ako.  Nitong mga huling araw, e, madalas sumikip itong dibdib ko.  Maiba ako, may balita ba sa biyenan mo?

    NITA:
    Wala pa rin ho.

    TATA SARYO:
    Hindi ko na talaga maintindihan ang mga nangyayari sa isla natin ngayon.  Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako sinakluban ng ganitong takot.

Mapapadaan sa kanilang harapan si PURING, kadarating din lang sa health center.

    NITA: (tatawagin si Puring)
    Puring.

    PURING:
    Nita, ikaw pala ‘yan.  Tata Saryo, kumusta po?

    TATA SARYO:
    Ikaw ba ‘yan, Puring?

    PURING:
    Ako nga ho, Tata Saryo.

    TATA SARYO:
    Naku, malabo na rin yata ang mata ko.  Hindi kita agad nakilala.  Kumusta na’ng baby mo?  
    PURING:
    Okey naman ho.  Ako lang ho yata itong may problema.

    NITA:
    Ano ba’ng nararamdaman mo?

    PURING: (pabulong, para huwag marinig ni Tata Saryo)
    Ewan ko ba, Nita.  Natutuyuan na yata ng gatas itong suso ko.

    TATA SARYO: (matatawa)
    Kow, kulang ka lang sa malunggay, Puring.

    PURING:
    Si Tata Saryo naman, ibinulong ko na nga, narinig pa.

    TATA SARYO:
    E ano ba namang nakakahiya sa natutuyuang suso?  Hindi naman puwedeng habang panahong may gatas ‘yan.  Ang mabuti pa, Puring, puntahan mo si Ason, sa kanya mo pasusuhin ang anak mo.  Kapapanganak din lang no’n.   Sa tingin ko, hindi naman sa pinag-aaralan ko ‘yung suso niya, ano, sagana ‘yon sa gatas.

Magtatawanan sina Nita at Puring.

    TATA SARYO:
    Aba’y ano na ba talaga itong nangyayari ngayon?  Noong panahon namin, ni hindi ko nakitang bumabaw ang tubig sa balon.  Ni wala akong alam na ina dito sa isla natin na natutuyuan ng gatas sa suso.   Huwag n’yo akong pagtawanan.  Hindi ako nagbibiro.

CUT TO:


SEQUENCE 17: INT/UMAGA/TRIBUNAL.

FS ng tribunal.  Maririnig pa rin natin ang boses ni Tata Saryo.

    VO NI TATA SARYO:
    Sagana ang islang ito sa halos lahat ng bagay.  Noong araw ‘yon.  Pati suso ng mga ina, ng lahat ng ina sa islang ito, sagana sa gatas.

Magse-segue ang VO ni Tata Saryo sa VO ni Lea.  FS pa rin ng tribunal.  

    VO NI LEA:  
    Minsan ay ginabi ng uwi ang isang mangingisda.  Sa kanyang paglalakad ay nakasalubong niya ang isang malaking ibon.  Ibinuka ng ibon ang kanyang malapad na pakpak.  At lumabas mula sa ilalim ng pakpak ang dalawang bolang apoy.  Santelmo ang tawag sa mga bolang apoy na iyon.

MS ng loob ng tribunal.  Nasa gitna si LEA, nagkukuwento.  Matama siyang pinakikinggan ng mga bata.  Habang nagkukuwento ay ipapakita ng kamera ang iba’t ibang reaksyon ng mga bata.

    LEA:
    Nawala ang ibon, at ang natira ay ang dalawang santelmo.  Nabighani ang mangingisda sa santelmo.  Gumalaw ito.  Sinundan ng mangingisda ang galaw ng santelmo.  Hindi batid ng mangingisda kung saan siya dadalhin ng liwanag.  Nawala sa kanyang sarili ang mangingisda.  Nalagpasan niya ang kanyang bahay nang hindi niya namamalayan. 

Mabagal na magpapan ang kamera sa mukha ng mga bata.  Iba’t iba ang kanilang reaksyon sa ikinukuwento ni Lea.

    VO NI LEA:
    Sa kabutihang palad, nakita ang mangingisda ng isang kababaryong may hawak-hawak na maliit na sulo.  Mahina ang liwanag ng sulong ito na pinaniningas ng langis ng niyog.  Walang ano-ano’y biglang naglaho ang santelmo.
    “Saan po kayo pupunta, ama,” tanong ng binata sa mangingisda.

    “Pauwi na ako, anak,” sagot ng mangingisda sa binata.  

    “Lagpas na po kayo sa inyong paroroonan,” tugon ng binata sa mangingisda.  “Sumama po kayo sa akin at ihahatid ko kayo sa inyong tahanan.  Pagpasensyahan lang po ninyo ang mahinang dingas ng aking sulo.”
CU ni LEA.  

    LEA:
    Inakay ng binata ang mangingisda.  Maluwalhating naiuwi ng binata ang mangingisdang pinaglaruan ng nakakasilaw na liwanag ng santelmo.

CUT TO:


SEQUENCE 18: EXT/UMAGA/APLAYA.
Nagkakagulo sa aplaya.  Kabababa lang buhat sa bangka ng DALAWANG LALAKI.  Buhat-buhat nila ang ISA PANG LALAKI, halatang patay.  Sila ang mga lalaking nakita natin sa Sequence 14.  Ang patay na lalaki ay ang lalaking may kompresor na tumalon sa dagat.   Maraming nag-uusyosong mga TAO.

Makikita nating sasalubungin ang mga ito ni LEA.  Nakabuntot sa kanya ang kanyang mga tinuturuang BATA.  Hihinto siya.  Pipigilan niya sa paglapit ang mga bata. 

Dadaan sa kanilang harapan ang dalawang lalaking karga-karga ang patay na lalaki.  Tatakpan ni Lea ng kanyang mga palad ang mata ng dalawang batang nasa kanyang harapan.
Tatakbo si Lea, pabalik sa tribunal.  Susundan siya ng kamera.  Pagdating sa tribunal ay patutunugin ni Lea ang lumang kalembang na nakasabit sa gilid ng tribunal: isang malakas at mahabang tunog na susundan ng dalawang mahina’t maikling tunog.

Paulit-ulit ang mga tunog na ito habang makikita natin ang sumusunod na montage:

MS ni MELBA, mapapahinto sa pagwawalis, sa background ay makikita ang usok ng siga.

MS ni NITA, mapapahinto sa kanyang pananahi.

MS ni ALING ROSING, mapapahinto sa kanyang panginginas.

MS ni PILAR, mapapahinto sa kanyang pagsusulat.

MS ni RICO, mapapatingala habang sumasalok ng tubig sa balon.

MS ni BILLY, mapapahinto sa kanyang paglilinis sa isang bahagi ng barko.

MS ni RUBEN, mapapahinto sa kanyang paghahayuma.

MS ng isang LALAKING MANGINGISDA, mapapahinto sa paggawa ng bumbong.

MS ng isang LALAKING MANGINGISDA, nililinis ang kulungan ng isang inahing baboy na nagpapasuso ng mga biik.

MS ng mga KABABAIHAN, mapapahinto sa kanilang paglalaba sa ilog.

MS ng mga BATA, tuloy-tuloy sa kanilang paliligo sa dagat.

MS ni TATA SARYO, nakayuko, nakatingin sa malayo, magkahalong lungkot at takot ang mababanaag sa mukha.

SLOW FADE TO BLACK.


COMMERCIAL BREAK 2


SLOW FADE IN FOR:


SEQUENCE 19: INT-EXT/GABI/DAMPA NI PURING.

Maliwanag sa loob at labas ng dampa ni Puring.  Maraming taong nakikipaglamay.  Asawa ni Puring ang nalunod na mangingisdang nagkokompresor.  

MS ng mga KABABAIHAN sa loob ng dampa, nagrorosaryo.  Kasama sa mga kababaihang ito sina ALING MILA, ALING ROSING at ALING LORETA.  Wala pang kabaong ang asawa ni Puring, nakahiga lang ito sa isang katre.  May mga kandila sa apat na sulok ng katre.  Nakaupo sa tabi ng katre si PURING, kalong-kalong ang bagong panganak na sanggol, nakatitig lang sa bangkay ng asawa.

MS ni MELBA, galing sa kusina, may dala-dalang tray ng mga baso ng kape.  Susundan ng kamera ang paglabas niya ng dampa.  Isa-isa niyang aabutan ng kape ang mga LALAKI at BABAENG nagbabaraha sa isang mesa.  Lalapitan niya ang kinaroroonan ni TATA SARYO, aabutan rin niya ng kape, pati sina LEA, NITA at RUBEN na kaumpukan ng matanda.

    TATA SARYO: (habang inaabutan ni Melba ng baso ng kape)
    Salamat, anak.

Mag-o-off cam si Melba, pupunta sa iba pang nakikipaglamay.  Mananatili ang kamera kay Tata Saryo.

    TATA SARYO: (habang humihigop ng kape)
    Sinasabi ko na nga ba.  Nagtatampo na ang dagat.  Akala n’yo ba’y hindi marunong maghinanakit ang dagat. 

    RUBEN:
    Wala tayong kasalanan sa mga nangyayari sa ating isla, Tata Saryo.

    TATA SARYO:
    Ilang beses ko nang sinabi sa inyong huwag n’yong galitin ang dagat.  Masama itong magalit. 

Ibababa ni Tata Saryo ang baso ng kape, kukuha ng mga ginayat na tabako mula sa isang plastik na nakapatong sa mesa, maglalagay ng tabako sa isang pinilas na dyaryo, mag-iikit ng sigarilyo at ilalagay ito sa bibig.  Maghahanap siya ng posporo sa bulsa, wala siyang makakapa.  Sisindihan ni Ruben ng kanyang lighter ang inikit na sigarilyo ni Tata Saryo.

    TATA SARYO:
    Salamat, anak.

Maglalabas rin si Ruben ng isang istik ng mumurahing sigarilyo.  Sisindihan rin niya ito. 

    TATA SARYO:
    Natatandaan ko pa ang sinabi sa akin minsan ng aking ama: ang iyong kakanin ay sa iyong pawis manggagaling.  Ayaw nang magpawis ng tao.  Lahat ay dinadaan sa mabilis na paraan, kahit masama, kahit mapaminsala.  Bakit pinag-aagawan ang dagat?  Ano sa tingin mo, Ruben?

Ngingiti lang si Ruben.

    TATA SARYO:
    Huwag kang ngingiti-ngiti lang d’yan, Ruben.  Sagutin mo ang tanong ko.

Mapapaalumpihit sa kanyang pagkakaupo si Ruben.

    RUBEN: (pagkabuga ng usok ng sigarilyo)
    Hindi ko po alam, Tata Saryo.

    TATA SARYO:
    Sino ang may-ari ng dagat, Ruben?

    RUBEN:
    Hindi ko kayang sagutin ang tanong ninyo, Tata Saryo.

    TATA SARYO:
    Ikaw, Nita, ano ang naghihintay sa batang nasa sinapupunan mo?

    NITA:
    Si Tata Saryo naman, pati ako, dinamay sa kanyang pagtatanong.

    TATA SARYO:
    Ano, anak, ang gusto mong gawin?  Maghalukipkip at pabayaang sirain ang ating dagat at isla?  Ano ang isasagot mo sa iyong anak, Nita, kung sa kanyang paglaki ay harapin ka nito at tanungin ng ganito: Inay, bakit ninyo pinabayaan ang ating dagat at isla?  Bakit hindi ninyo ako tinirhan ng yaman nito?  Aber, sige, sagutin mo ‘yan, Nita.  
Hindi kikibo si Nita.  Babaling si Tata Saryo kay Lea.

    LEA: (nakangiting takot)
    Tata Saryo, huwag n’yo kong tingnan nang ganyan.

    TATA SARYO:
    Pambihirang bata ito.  Wala pa akong itinatanong, takot na agad.

    LEA:
    Mahirap naman ho kasing sagutin ang mga tanong ninyo.

    TATA SARYO:
    Wala pa nga akong itinatanong sa iyo.

    LEA:
    Nakakatakot naman ho kasi kayong tumingin.

    TATA SARYO:
    ‘Yan ang hirap sa inyong mga kabataan ngayon.  Agad natatakot.  Hindi pa man nagsisimula’y takot na agad.

Muling hihigop ng kape si Tata Saryo.  Pagkahigop ng kape ay maninigarilyo, ibubuga ang usok at ipagpapatuloy ang pagsasalita.

    TATA SARYO:
    Tandaan ninyo ang sasabihin ko sa inyo, mga anak.  Noong panahon namin, ipinagtanggol namin ang islang ito, sampu ng mga gubat at dagat nito, laban sa mga aswang na naglipana sa isla.  Kung hindi namin iyon ginawa, sa tingin kaya ninyo’y buhay pa ang islang ito?  Kung hindi kami naglakas-loob na sagupain ang maitim na kapangyarihan ng mga maligno ng aming panahon, sa tingin kaya ninyo’y magkakadaupang-palad pa tayo ngayon?  
    Ibang aswang at maligno ang gumagambala ngayon sa ating lugar.  Huwag kayong pagapi sa kanilang kapangyarihan.  Bagamat natalo kami sa maraming pagkakataon, hindi kami pinanghinaan ng loob.  Kung nagawa namin noon, magagawa n’yo rin ngayon.  
FS ng lamay.

    VO NI TATA SARYO:
    Sa inyo ang islang ito. Sa inyo at sa inyong mga magiging anak at apo ang dagat na ito.  Pakatandaan ninyo iyan, mga anak.  
    
CUT TO:


SEQUENCE 20: EXT/HAPON/LAOT.

Nangangawil sa laot sina RUBEN at RICO.  Itataas nila ang kawil, wala pa ring huli.  Paandarin ni Ruben ang motor ng bangka, mainit na ang ulo.

    RICO:
    Saan tayo lilipat, Kuya?

    RUBEN:
    Sa sanktuwaryo.  

    RICO:
    Sa sanktuwaryo ng resort?

    RUBEN:
    Saan pa ba may sanktuwaryo dito?

    RICO:
    Bawal mangisda sa sanktuwaryo, Kuya.

Umaandar na ang bangka.  Ginigiya ito ni Ruben patungo sa sanktuwaryo.

    RUBEN:
    Alam ko.

    RICO:
    Baka hulihin tayo ng guwardiya, Kuya.  Natatakot ako, Kuya.

    RUBEN:
    Ako’ng bahala sa iyo.

Tatahimik na lang si Rico.  Susundan ng kamera ang umaandar na bangka.


    RUBEN:
    Marami nang nawala sa atin, Rico.  Nawala na ang Itay mo.  Itinuring ko rin siyang tunay kong ama.  Ang una kong ama, pinatay ng mga pirata, dito rin sa laot na ito.  Alam mo ‘yan, Rico.  Ilang beses nang ikinuwento sa inyo iyan ni Inay.  Si Jun, ang Kuya Jun mo, natatandaan mo pa ba ang Kuya Jun mo?  Si Kuya Jun mo na itinuring mo ring tunay mong kuya?  Inagaw rin  ang Kuya Jun mo ng dagat na ito.  
Mabilis na patatakbuhin ni Ruben ang bangka.


CUT TO:


SEQUENCE 21:  EXT/HAPON/SANKTUWARYO.

FS ng sanktuwaryo.  Sa malayo pa lang ay tanaw na ng GUWARDIYA mula sa kinaroroonang dampa sa isang bahagi ng dalampasigan ang papalapit na bangka nina RUBEN at RICO.  Pagmamasdan lang niya ang paparating na bangka. 

MS nina Ruben at Rico.  Patitigilin ni Ruben ang bangka, malapit sa kinaroroonan ng guwardiya, halatang nananadya.  Ihuhulog nila sa dagat ang kanilang mga kawil.

    GUWARDIYA: (sinisigawan sina Ruben at Rico)
    Hoy, ano’ng ginagawa n’yo d’yan?

Hindi papansinin ng dalawa ang babala ng guwardiya.  Lalapit ang guwardiya papalapit sa dagat.  Walang dala ni anumang bagay ang guwardiya.

    GUWARDIYA: (pasigaw pa rin)
    Bawal mangisda dito sa sanktuwaryo.  

Hindi pa rin siya papansinin ng dalawa.  Pero medyo kinakabahan na si Rico.  Sasakay ang guwardiya sa isang bangkang de-sagwan. 

    GUWARDIYA: (habang sumasakay sa bangka)
    Talaga bang hindi kayo aalis d’yan?

    RICO: (nanginginig ang boses)
    Kuya, alis na tayo.  

    RUBEN:
    Umupo ka lang d’yan.  
    (sa guwardiya)
    Ano ba’ng ipinuputok ng butsi mo, ha?

Nasa tapat na halos nina Ruben at Jovenal ang bangka ng guwardiya.

    GUWARDIYA:
    Aba’t hinahamon pa ako ng tarantadong ito.

    RUBEN:
    Sabihin mo sa amo mong Taiwanese, hindi niya binili ang islang iyan.  At sabihin mo ring hindi rin namin ipinagbibili ang dagat.

    GUWARDIYA:
    Brod, tagarito ka.  Alam mong matagal na ang resort na ito dito sa inyong lugar.  Aprubado ito ng gobyerno.  At malaki na ang pinuhunan ng amo ko para padamihin uli ang isda dito sa inyong dagat.

    RUBEN:
    Aanhin namin ang mga isda dito sa sanktuwaryo?  Panonoorin lang sa paglangoy?  Binubuhay ang dagat, pinaparami ang isda, para sa ating sikmura, hindi para sa mata lang ng mga bisita at turista ng resort. 

    GUWARDIYA: (magtitimpi)
    Brod, huwag mo na akong galitin.  Umalis na kayo d’yan.  Naiintindihan ko kayo.  Pero intindihin n’yo rin ang lagay ko. 

    RUBEN: (habang itinataas ang kawil)
    Hayan, ganyan, matuto ka ring mangilala.

Ii-start ni Ruben ang motor ng bangka.

    RUBEN: (sa sarili)
    Palibhasa, hindi kayo mga tagarito.

Paandarin na ni Ruben ang bangka.  EFS ng sanktuwaryo, makikita nating mabilis na aalis ang bangka nina Ruben palayo sa sanktuwaryo.

DISSOLVE TO:


SEQUENCE 22: EXT/DAPITHAPON/LAOT.

FS ng bangka nina RUBEN at RICO.  Tahimik silang nangangawil, naka-silhouette sila sa papalubog na araw.   Tahimik ang dagat.  Mananatiling ganito ang buong sequence.   

CUT TO:


SEQUENCE 23: INT/GABI/KUWARTO NINA RUBEN AT NITA.

Nakahiga sa katre sina Ruben at Nita.  Nakakulambo sila.  Tahimik ang paligid.  Iniilawan ang silid ng isang maliit na gasera. 

    RUBEN:
    Puwede rin pala akong magalit kung gugustuhin ko.

Matagal na hindi mag-iimikan ang mag-asawa.  Mayamaya’y papatayin ni Ruben ang gasera.  Didilim ang kuwarto.

CUT TO:


SEQUENCE 24:  EXT/UMAGA/KALSADA.

Libing ng asawa ni Puring.  Nasa unahan ng mga tao ang MGA BATANG may dala-dalang bulaklak na gawa sa papel.  Kasama sa mga batang ito si PILAR.  Sa gitna ng mga bata ay ang isang LALAKING may hawak na krus.  Kasunod ng mga bata ay ang mga KALALAKIHANG nagbubuhat ng kabaong.  Nakapatong ito sa kanilang mga balikat.  Kasunod ng kabaong si PURING.  Katabi niya sina MELBA at LEA.  Nakikipaglibing rin sina TATA SARYO, ALING ROSING, ALING MILA, MANG GUSTING, ALING LORETA at RUBEN.  Naroroon rin si BILLY, bagamat malayo sa kinaroroonan ni Ruben.
Pangkaraniwan ang lakad ng mga tao.  Walang umiiyak.  May isang LALAKING lalapit kay Ruben.

    LALAKI: (kakausapin nang halos pabulong si Ruben)
    Bukas, aasahan ka namin bukas ng umaga.  

Mapapansin ni BILLY ang bulungang ito.  


CUT TO:


SEQUENCE 25: EXT/TANGHALI/BARANGAY CENTER.

Nagtitipon ang mga MAMAMAYAN ng isla.  Kabilang sa mga nakikinig sina RUBEN, NITA, ALING MILA, ALING ROSING, TATA SARYO, LEA, MELBA, MANG GUSTING at ALING LORETA.  May ilang hilera ng upuan.  Nakaupo rito ang ilan.  Ang iba ay nakasilong sa mga puno.  Sa gitna ay may isang mahabang mesa.  Naririto ang EXECUTIVE ASSISTANT ng gobernador.  Nasa mikropono ang BARANGAY CAPTAIN.  Paminsan-minsan ay nagfi-feedback ang mikropono.

    BARANGAY CAPTAIN:
    Nagkakaintindihan ba tayo, mga kabarangay?

Tatabihan si Ruben ng isang lalaki.

    LALAKI: (pabulong kay Ruben, pero nakatingin sa nagsasalita sa mikropono)
    Pare, hihintayin ka namin sa lakad natin bukas.  

Tatayo si MANG GUSTING.

    MANG GUSTING:
    May magagawa pa ba naman kami?

    BARANGAY CAPTAIN:
    Bata, hindi ko yata gusto ang tabas ng dila mo?

    ALING ROSING:
    E talagang magkakaganito ang tabas ng dila namin kung ganyan din lang naman nang ganyan. 

    BARANGAY CAPTAIN:
    Ano pa ba naman ang gusto n’yong gawin namin?  ‘Pag wala kaming ginagawa, nagagalit kayo.  Sasabihin ninyo, nagpapabaya kami sa aming mga tungkulin.  ‘Pag inoperan naman kayo ng mga proyektong makakatulong sa inyong kabuhayan, ayaw n’yo pa rin.  Saan n’yo naman kami ilulugar?  

Lalapit ang Executive Assistant sa Barangay Captain, kukunin ang mikropono’t magsasalita.

    EXECUTIVE ASSISTANT:
    Maghintay-hintay lang ho kayo at tiyak na uunlad din itong inyong isla.

    ALING MILA:
    Amang, huwag na huwag mo kaming sasabihang matutong maghintay.  Pinatanda na kami ng paghihintay.

    EXECUTIVE ASSISTANT:
    Pasasaan ho ba’t giginhawa rin ang buhay natin.

    ALING MILA: (mariin)
    Buhay natin?  At kelan ka pa naging kabuhay namin?

    EXECUTIVE ASSISTANT:
    Okey, okey.  Isang bagay lang ho ang masasabi ko sa inyo.  Masusi itong pinag-aralan ni Gob.  Aprubado na rin ito ni Congressman.  Saka hindi naman ho dito sa isla ninyo itatayo ang planta ng sementong sinasabi namin.  D’yan sa kabilang ibayo ito itatayo, sa mainland.  

    RUBEN: (malumanay)
    Paano ho kaming makakatiyak na ang itatayo ninyong planta ay hindi makakasira sa aming karagatan? 

    PURING:
    Hindi ho ba kami dadapuan ng iba’t ibang sakit dahil sa plantang ‘yan?

    TATA SARYO:
    Hindi rin ba kami mapapaalis sa isla?  Marami kasi kaming nababalitaan sa radyo na napapaalis sa kanilang lugar kapag may itinatayong mga proyektong tulad nito. 

    EXECUTIVE ASSISTANT:
    Maging ang mga bagay na iyan ay pinag-aralan na rin ho ni Gob.  Kinonsulta na rin ho namin ang mga experto sa iba’t ibang sangay ng gobyerno at mga kilalang unibersidad tungkol dito.

    ALING MILA:
    Ganyan din ho ang sinabi ninyo noon sa amin noong pinaplano n’yo pa lang itayo ‘yung planta d’yan sa kabilang tabi. 

    EXECUTIVE ASSISTANT:
    May nangyari na bang masama sa dagat dahil sa plantang ‘yon?

    ALING LORETA:
    Ano ho sa tingin ninyo ang sagot?
   
    EXECUTIVE ASSISTANT: (magtitimpi)
    Kaya nga ho namin kayo kinokonsulta ngayon, e, para malaman namin kung ano ang nasa sa loob ninyo bago aprubahan ni Gob ang proyektong ito.
Darating sa pulong si BILLY habang nagsasalita ang executive assistant.  Tatabi siya kay Melba.  Makikita siya ni Ruben.  Hahawakan ni Nita sa braso si Ruben. 
 
    BILLY: (hindi pa halos nakakaupo ay tatayo nang muli)
    Mawalang-galang na ho.  Maaari ho bang sumingit?

Pahihintulutan siyang magsalita ng Executive Assistant.

    BILLY:
    E baka naman ho aprubado na ni Gob ‘yang proyektong iyan.  Kunwari’y kinokonsulta pa kami. 

    EXECUTIVE ASSISTANT:
    Hindi maaaring matuloy ang isang proyekto kung hindi ito tanggap ng mamamayan.

    BILLY:
    Ang ibig ho bang sabihin nito’y ipinatatanggap ninyo sa amin ang proyekto?
Hindi pa tapos magsalita si Billy ay tatayo na si Ruben, lalayo sa pulong at uuwi na sa kanila.  Hahabulin siya ni Nita.  Makikita ni Billy ang pag-alis ni Ruben.

    EXECUTIVE ASSISTANT:
    Ang ipinapaunawa namin sa inyo ay ang kabutihang idudulot ng proyekto.

    MANG GUSTING: (mang-aasar)
    Kayo naman, mga kasama.  Hindi n’yo ba naiintindihan kung bakit tayo hinatak ngayon ni Kapitan sa pulong na ito?  Ang hihina naman ng kukote ninyo.  Pagdududahan n’yo pa ba naman ang sinseridad ni Gobernor.  Kung ‘yung mga malalaking palakaya ay pinahihintulutan niyang manghimasok dito sa ating dagat, ‘yan pa kayang mga malalaking kumpanyang iyan na makapagbibigay sa atin ng hanapbuhay.  Ba’t nga naman ayaw nating iwan ang dagat.  (sa mga kasama)  Berto, ano pa’ng ginagawa mo d’yan?  ‘Yung asawa mo, hinihintay ka na sa bahay n’yo.  Ikaw, Toto, ‘yung baboy n’yo, nagugutom na.
Magsasalita sa mikropono ang Barangay Captain.

    BARANGAY CAPTAIN:
    Mga kabarangay, matuto naman sana tayong gumalang.  Minsan-minsan lang tayong dalawin ng mga bisita natin, babastusin n’yo pa. 

    MANG GUSTING: (pinipigilan na ng ilang kababaryo)
    ‘Yun na nga, e.  Minsan-minsan lang tayong bisitahin, ginugulo pa ang mga buhay natin.

CUT TO:


COMMERCIAL BREAK 3


FADE IN FOR:



SEQUENCE 26: EXT/UMAGA/LAOT.

Sa isang tagong bahagi ng laot.  Nasa bangka si RUBEN, kasama ang tatlo pang MANGINGISDA.  Hawak-hawak ni Ruben ang isang dinamita.  Sisindihan niya ito.  Sandali siyang mag-aatubiling ihagis ito.

    MANGINGISDA 1:
    Ihagis mo na, pare.  Puputok na ‘yan.

Ihahagis ni Ruben ang dinamita.  CU ni Ruben, sinusundan ng mata ang paglipad ng dinamita.  May takot sa kanyang mga mata.  CU rin ng iba pang mangingisda, sinusundan rin ang pagbagsak ng dinamita.
Isususpend natin ang time element sa sequence na ito.  Habang hinihintay natin ang putok ng dinamita, makikita natin ang montage ng mga sumusunod:

FS ni ALING ROSING, nagpapausok ng mangga.

FS ni ALING MILA, nagsisibak ng kahoy.

FS ni BILLY, kasama ang iba pang fishworker sa barko.  

FS ni LEA, nagtuturo sa tribunal.

FS ni RICO, mag-isang nangangawil sa laot.

MS ni MELBA, paakyat ng barko ng mga fishworker.

MS ng ISANG BABAE, nagpapasuso ng sanggol.

MS ng mga LALAKI’T BABAE, nagsusugal.  

CUT-TO-CUT ng mga inosenteng mukha ng mga ISTUDYANTE NI LEA.

Hindi natin maririnig ang hinihintay nating putok ng dinamita.  


FADE TO BLACK.


SLOW FADE IN FOR:


SEQUENCE 27: EXT/TANGHALI/BAHAY NINA ALING MILA.

Nasa likuran ng bahay si NITA, naghihiwa ng mga isdang idadaing.  Mapapansin niya ang kakaibang itsura ng mga isda. 

Tatayo siya at isa-isa niyang ibibilad ang mga nahiwang isda.  Pag-aaralan pa rin niyang mabuti ang mga isda, may pagdududa.  

CUT TO:


SEQUENCE 28: EXT/HAPON/DALAMPASIGAN.
Umaakyat sa puno ang BATANG LALAKING nakita nating nagsasaranggola sa Sequence 9.  Mahangin, nagsasayaw ang mga dahon ng puno.  Maalon rin ang dagat.  Sa tuktok ng puno ay nakasabit ang saranggola.  Maabot niya ang nasabit na saranggola.  Pagkakuha rito ay ihahagis niya ito sa buhanginan.

CUT TO:


SEQUENCE 29: EXT/GABI/BAHAY NG ISANG MANGINGISDA.
Nag-iinuman ang TATLONG LALAKING MANGINGISDA na nakita natin sa Sequence 26.  Kasama nila sa inuman si RUBEN. Beer ang kanilang iniinom.  Namumulutan rin sila ng ilang inihaw na isda. 

    MANGINGISDA 1:
    Kung patatali tayo sa sinasabi nilang ligal, mapapaayos ko ba itong bahay ko?

    MANGINGISDA 2:
    Alam n’yo, pare, kelan ko lang napag-isip-isip na, siguro lang naman pero malakas ang kutob kong tama ako, na kaya gusto nilang manatili tayo sa pangangawil at pamamante, e para sila lang ang makinabang sa dagat natin.  Sino’ng uutuin nila?  Tayo?  E matagal na tayong inuto. 

Magtatawanan nang malakas ang apat.

    MANGINGISDA 1:
    Tingnan mo nga naman ‘yang mga tarantadong ‘yan.  Ang gusto yata’y lumutin ang ating mga bayag sa paninisid. 

    MANGINGISDA 2:
    Kung ‘yung baklad nga, kinakapitan ng lumot sa matagal na pagkababad sa tubig, ito pa kayang mga bayag natin.  Subukan mong ibabad ang katawan mo sa dagat nang maghapon o magdamag, tingnan natin kung hindi ‘yan lumutin.  
Lalong lalakas ang tawanan ng apat.

    MANGINGISDA 1:
    Saka ikaw, pare (babaling sa Mangingisda 3 na bata-bata pa), ikaw malapit ka nang ikasal, makinig kang mabuti sa sasabihin ko, gusto mo bang dumating pa ‘yung pagsasabihan ka ng biyenan mo na hindi niya pinalaki ang kanyang anak, ang magiging asawa mo, para lang gutumin ng isang mangingisdang wala namang nahuhuling isda.  Mangingisda bang matatawag ‘yon?  Mangingisdang walang isda.
Magtatawanan uli ang grupo.  Kakamot lang ng ulo si Mangingisda 3.

    MANGINGISDA 3:
    Hindi naman siguro sasabihin sa akin ‘yan ng magiging biyenan ko.

    MANGINGISDA 2:
    Hintayin mong umiyak ang araw, makikipagpustahan ako sa iyo, gusto mo, ibigay ko pa sa iyo ang motor ng bangka ko, tiyak na ipagtutulos ka ng kandila ng mga biyenan mo oras na umuwi kang walang laman ang lambat mo.

    MANGINGISDA 1:
    Ba’t naman motor lang ng bangka mo ang itataya mo?  Isama mo na ‘yung bangka, saka ‘yung lambat, pati na rin ‘yung mga kawil mo.

    MANGINGISDA 2:
    Huwag naman, pare.  Baka habulin ako ng itak ng biyenan ko.  Hindi naman ako ang may-ari ng bangkang ginagamit ko, e.  ‘Yung motor, oo, akin ‘yon.  Pero ‘yung bangka, regalo lang nila sa akin ‘yon n’ung ikasal kami ng misis ko.

    MANGINGISDA 1:
    Teka, teka.  Wala ba kayong napapansin?  Tayong tatlo lang ang daldal nang daldal dito.  Merong isa dyan na tawa lang nang tawa, wala namang ikinukuwento.

    RUBEN: (nakuha agad ang parinig)
    Wala naman akong maiistorya sa inyo.

    MANGINGISDA 1:
    Pumiyok.  Pumiyok din.  Mukhang guilty.

Magkakamot lang ng ulo si Ruben.

    MANGINGISDA 1: (kay Ruben)
    Seryoso, pare, tinakot mo rin kami kanina, a.  Akala ko hindi mo ihahagis ‘yung dinamita.
    RUBEN:
    Kamontik ko na ‘ka n’yong hindi maihagis ‘yung lintik na ‘yon.  Parang nanigas ‘yung buo kong katawan.

    MANGINGISDA 2:
    Kung hindi mo naihagis ‘yon, tiyak, matigas na rin ang katawan mo ngayon.  
Tatawa uli ang grupo.  Sa gitna ng kanilang tawanan ay darating si BILLY.  Matatahimik si Ruben.

    MANGINGISDA 1: (humihingal pa sa katatawa)
    O, Billy, pambihira, kanina ka pa namin hinihintay.  Tagay muna, pare.

Bibigyan ni Mangingisda 1 ng tagay si Billy.  Hindi pa siya nakakaupo ay tutunggain niya agad ito.

    MANGINGISDA 2:
    Akala ko’y hindi mo pauunlakan ‘yung imbitasyon ko sa iyo.  Buti’t hindi
    ka pa rin nakakalimot sa mga kababaryo mo.

Tapos nang inumin ni Billy ang kanyang tagay.  Uupo siya sa tabi ni Mangingisda 3.  Hindi niya kikibuin si Ruben.  

    MANGINGISDA 2:
    Tingnan mo nga naman ang buhay, ano.  Dati-rati, halos gabi-gabi’y kainuman natin itong si Billy.  Pero ngayon, tingnan n’yo, ibang-iba na ang gagong ito.

    BILLY:
    Wala naman akong ipinagbago.  Dumalang nga lang ang pakikipag-inuman ko sa inyo.  
Halatang pinipigil ni Ruben ang sarili.  

    MANGINGISDA 1:
    Ang sabihin mo, iniwan mo na kasi kami dito sa isla.

    BILLY:
    Trabaho, e.

    MANGINGISDA 3: (kay Billy)
    Kuyang, hindi ba mahirap ang trabaho mo?

    MANGINGISDA 1:
    Ooops, ooops.  Trabaho lang, walang personalan.

    MANGINGISDA 3:
    Meron ba akong hindi magandang naitanong?

    BILLY: (habang tinatapik sa balikat si Mangingisda 3)
    Wala, Toto.  Walang problema ‘yon.

Tinitimpi pa rin ni Ruben ang kanyang sarili.  Malakas niyang ibabagsak sa mesa ang katatapos na tagay.  

    MANGINGISDA 1:
    Sabing walang personalan, trabaho lang, e.

    BILLY:
    Matagal na ‘yon.  Kalimutan na natin ‘yon.

    MANGINGISDA 2: (kay Billy)
    Alam mo, pare, ‘pag naaalala ko ‘yung nangyaring ‘yon, natatawa na lang ako.

    BILLY:
    Gano’n nga lang siguro talaga ‘yon.

Hindi pa rin kikibo si Ruben.

    MANGINGISDA 2:
    Mantakin n’yo, tayo-tayo, nag-away.  Tayo-tayo na halos sabay-sabay na lumaki’t nagkamalay dito sa isla, nag-away.   Dahil lang sa dagat na ‘yan.

    MANGINGISDA 1:
    Ang kulit n’yo talaga.  Sabing trabaho lang, walang personalan.

    MANGINGISDA 2: (sa Mangingisda 1)
    Pero maganda ring balikan ‘yon, pare, di ba?  Hindi ko makakalimutan ‘yon.  Kinabahan din ako no’n, a.  Ang lakas din ng loob natin no’n, a.  Mauulit pa kaya natin ‘yon?

    MANGINGISDA 1:
    Alin, ‘yung ginawa nating pagbabarikada ng mga bangka natin d’yan sa laot para lang huwag makapasok ‘yang mga trawl na ‘yan? 

    MANGINGISDA 2: (kay Billy)
    Hindi ko talaga lubos maisip na nand’yan tayo sa laot.  Sina Billy, nando’n, sa tapat natin, nasa trawl nga lang.  Nakakatawa, nagbabantaan tayo sa isa’t isa.  Patayan kung patayan.  Handa talaga akong pumatay no’n, pare.  Nakakatawa nga lang, maliliit na mangingisda laban sa mga manggagawang mangingisda.  E pareho-pareho lang naman tayong mahihirap na mangingisda.  Tapos, nag-aaway-away pa. 

    MANGINGISDA 1: (kay Billy)
    E hindi mo rin naman gusto ‘yun, pare, di ba?  E sa kung iyon ‘yung trabahong napasukan mo, e.  ‘Yun lang ‘yung trabahong tumanggap sa iyo, e.  Maaari mo ba namang banggain ‘yung kapitan mo, o ‘yung may-ari ng trawl?  E di, nawalan ka rin ng trabaho.
 
    BILLY:
    Tama rin naman kayo, e.  Nakakasira naman talaga ‘yung trawl.

Mabilis na tutunggain ni Ruben ang isa pang tagay.  

    MANGINGISDA 2:
    Hindi ‘yon ang pinupunto ko, pare.  ‘Yung mga may-ari ng mga malalaking palakayang ‘yan, saka ‘yung mga opisyal ng gobyerno na nagpapahintulot sa kanila, sila ‘yung pinupuntirya natin.  E ba’t tayo ang nag-away-away?  Ba’t tayo ang nagkasakitan ng loob?

    BILLY:
    Tapos na ‘yon.  Kalimutan na natin ‘yon.

Hindi na makakapagpigil si Ruben.  Sasapakin niya sa mukha si Billy.  Babagsak sa lupa si Billy.  Babagsak rin sa lupa ang mesa at titilapon ang mga baso’t mga bote ng beer, pati na rin ang pulutan.  Tatadyakan pa sana ni Ruben si Billy pero pipigilan siya nina Mangingisda 2 at 3.  Halatang hindi naman gaganti si Billy pero aawatin pa rin siya ni Mangingisda 1.
Magigising ang mag-anak ni Mangingisda 1 sa loob ng bahay.  Babangon ang asawa, dudungaw sa bintana.

    ASAWA: (habang dumudungaw sa bintana)
    Ano ba’ng nangyayari d’yan, ha?  

    MANGINGISDA 1, 2 at 3: (kay Ruben)
    Tama na, pare.  Tama na.

    RUBEN: (kay Billy, pasigaw)
    Tigilan mo na nga  ‘yang pagmamalinis mo, Billy.

    BILLY: (galit, pasigaw, pero pinipigil ang sarili)
    Ano ba’ng problema mo, ha?

    MANGINGISDA 1:
    Sabi naman kasing trabaho lang, walang personalan, e.  

    RUBEN:
    Kung hindi dahil sa iyo, hindi sana namatay si Jun.

    BILLY:
    Wala akong kinalaman sa pagkamatay ng utol mo.  Alam mo ‘yan.

    RUBEN:
    Kung hindi ninyo siya pinabayaan sa barko, hindi siya mamamatay.

    MANGINGISDA 2: (kay Ruben)
    Tama na, pare.  

    RUBEN: (naiiyak na)
    Ipinagkatiwala namin siya sa iyo.  Ba’t n’yo siya hinayaang magpakamatay?
    BILLY: (habang inaalalayan ni Mangingisda 1 sa pagtayo)
    Nagising na lang kaming nakabigti siya.  

    RUBEN:
    Hindi n’yo siya dapat pinabayaan.

Mapapahagulgol na si Ruben.  Aaluin siya ng mga kasama.

    MANGINGISDA 2:
    Tama na, pare.  Matagal na ‘yon.  Tapos na ‘yon.  

Lalapitan sana ni Billy si Ruben, pero pipigilan siya ni Mangingisda 1.

    BILLY: (sa Mangingisda 1)
    Okey lang, pare.  

    MANGINGISDA 1: (ayaw pa ring pawalan si Billy)
    Walang personalan, trabaho lang.

    BILLY: (sa Mangingisda 1)
    Ako’ng bahala sabi.  

Pawawalan rin ni Mangingisda 1 si Billy.  Lalapitan ni Billy si Ruben na noon ay nakaluhod na sa lupa’t parang batang umiiyak.  

    BILLY: (mariin ang pagkakabigkas)
    Walang may gusto sa nangyari, Ruben.  Alam mo ‘yan.  

    RUBEN:
    Hindi nagpakamatay si Jun.  

    MANGINGISDA 2: (kay Ruben)
    Tama na, pare.  

    RUBEN:
    Hindi magagawang magpakamatay ni Jun.

    BILLY:
    Alam nating lahat ‘yan, Ruben.

    RUBEN:
    Hindi nagpakamatay ang kapatid ko.


CUT TO:


SEQUENCE 30: INT/GABI/BAHAY NINA ALING MILA.
Magigising si NITA sa mga pagtawag sa kanyang pangalan buhat sa labas ng bahay.  Mabilis siyang tatayo’t hahangos sa may pintuan.  Pagkabukas ng pinto ay magugulat siya sa makikita. 

    NITA:
    Ano’ng nangyari?

    MANGINGISDA 1:
    Wala, nagkasarapan lang.

Aalalayan ng TATLONG MANGINGISDA papasok sa loob ng bahay ang lasing na si RUBEN.  
    MANGINGISDA 2:
    Saan namin ito ilalagay?

    NITA: (habang itinuturo ang papuntang kuwarto)
    Dito, dito.  

Magugulat si Nita na isa si BILLY sa mga umaalalay kay Ruben.  Ihihiga ng mga mangingisda si Ruben sa katre. 

    MANGINGISDA 2:
    Pasensya na, Nita, nagkasarapan lang.  Paminsan-minsan lang naman ‘to.

    NITA:
    Sige, ako na’ng bahala dito.

    MANGINGISDA 1:
    Tutuloy na kami, Nita.

    NITA:
    Sige, maraming salamat na lang.

    BILLY:
    Sige, Nita.  Tutuloy na kami.

Hindi kikibuin ni Nita si Billy.  Lalabas na ng bahay ang tatlong mangingisda at si Billy.
 

    NITA: (kay Billy, habang isinasara ang pintuan)
    Billy.

Titingnan ni Billy si Nita.

    NITA:
    Salamat.  

Tipid na ngingiti at tatango lang nang marahan si Billy.  


CUT TO:


COMMERCIAL BREAK 4


FADE IN FOR:


SEQUENCE 31:  EXT/UMAGA/BAHAY NINA ALING MILA.

Nagsasampay ng nilabhan si NITA sa gilid ng kanilang bahay.   Lalabas ng bahay si RUBEN, handa nang pumalaot.

    RUBEN: (habang naglalakad)
    Aalis na ako.

Hindi siya kikibuin ni Nita.  Aalis na si Ruben.  Patuloy sa pagsasampay si Nita.  Mayamaya’y babalikan ni Ruben si Nita.

    RUBEN:
    Ano ba’ng problema mo, ha?  Kanina mo pa ako hindi kinikibo, a.

Hindi pa rin kikibo si Nita, itutuloy lang ang pagsasampay.

    RUBEN:
    Kung dahil sa pagkalasing ko kagabi, hindi na mauulit ‘yon.

Hindi na makapagpipigil si Nita. 

    NITA:
    Alam mong hindi ang pagkalasing mo kagabi ang dahilan kung ba’t ako nagagalit sa iyo ngayon.  (magbubuntong-hininga)  Ano ang gusto mong gawin ko?  Magdaing ng mga binumbong na isda?

Tatahimik si Ruben.

    NITA:
    Ayokong matulad ka kay Itay.  Wakwak ang mukha nang iuwi ng kanyang mga kasamahan.  (sandaling titigil)  Ayokong mangyari sa iyo ‘yon.  Baka hindi ko na iyon kayanin, Ruben.  Hindi ko na iyon kakayanin.

CU ni Ruben.  Mga ilang sandali ay maririnig natin ang VO ni MELBA.

    VO NI MELBA:
    Tama si Tata Saryo.  Malaki na nga ang ipinagbago ng isla.

    
CUT TO:


SEQUENCE 32: EXT/GABI/ISKUWELAHAN.

Nakaupo sina RUBEN, MELBA at BILLY sa harapan ng isang sira-sirang iskuwelahang pang-elementari.  Isang mapanglaw na liwanag ng coleman ang tumatanglaw sa kanila.  Maririnig din natin sa buong sequence na ito ang manaka-nakang ugong ng mga motor ng bangkang lumalalot sa dagat.  Umiinom silang tatlo ng gin, pero hindi sila lasing.  Itutuloy ni Melba ‘yung VO niya sa Sequence 31, karugtong ito ng kanyang diyalogo.
   
    MELBA:
    Hindi naman tayo ganito n’ung mga bata pa tayo.

    BILLY:
    Baka naman hindi pa lang natin naiintindihan ang lahat noon.  

    RUBEN:
    Nandito pa rin ang isla.  Nand’yan pa rin ang dagat.  Dumarating, umaalis ang mga tao.

    MELBA:
    Pero may mga bagay na hindi umaalis.  (hihinto sandali)  Takot.  Panganib.  Pangamba. 
 
    RUBEN: (hihitit ng sigarilyo)
    Nakakatawa naman itong usapan nating ‘to.  Para na tayong si Tata Saryo kung magsalita.

    BILLY: (nagbubuga ng usok ng sigarilyo)
    Nag-aaway-away, nagkakagalit tayo.  Nagkakasamaan ng loob.  Pero lagi rin tayong nagkakabati.

    MELBA:
    Kaso, tuwing may masamang nagaganap sa isla, ‘pag may namamatay, ‘pag may nalulunod, ‘pag may bangkang hindi na nakauwi, ‘pag may bahay na winasak ng bagyo, ‘pag nangyayari ‘yung mga ‘yon, do’n lang tayo nagkukumpol-kumpulan.
 
    RUBEN:
    ‘Pag may nagbababag . . . (titingin kay Billy)

    BILLY: (maiintindihan ang tingin ni Ruben, tatango lang kay Ruben)
    Tapos na ‘yon, Ruben.

Ihihiga ni Ruben ang sarili sa lupa.

    RUBEN: (habang humihiga, magbubuntong-hininga)
    Paulit-ulit.  Paikot-ikot lang ang mga bagay.  

    MELBA:
    Dito na tayo nagkaugat sa islang ito, d’yan na tayo sa dagat na ‘yan nagkamalay, pero ang isla, ang dagat, ewan ko, parang lagi silang inaagaw sa atin.

    RUBEN:
    Ang dami-daming umaangkin ng dagat.  Pero tayo, wala.  Para tayo ‘yung mga buhanging isinasalpok ng alon sa dalampasigan.

    BILLY:
    Kung puwede lang sigurong ariin ang dagat.

    RUBEN: (nakahiga pa rin)
    Kung puwede lang nating angkinin ang dagat, baka kahit papaano, baka lang naman, siguro, mababawasan din ang kabog sa dibdib natin. 

    MELBA:
    Natatandaan n’yo ba pa ‘yung minsang ipinangaral sa atin ni Miss Cruz noon?  Si Miss Cruz, ‘yung titser natin n’ung grade four pa tayo.

    BILLY:
    Oo, si Miss Cruz.  ‘Yung mahilig mag-uwi ng mga project natin.  May natutunan ka din pala d’on. 

    RUBEN:
    Hindi pa ganyan ‘yang iskuwelahang ‘yan no’n.

    MELBA:
    Hindi ko talaga makakalimuan ‘yung sinabi niyang iyon.  Sabi niya, “huwag n’yong ipaubaya ang buhay ninyo sa iba.  ‘Yan lang ang yaman ninyo.”

    BILLY:
    Sa kuwento lang ‘yon.  Hindi sa totoong buhay.  

Kaunting katahimikan.

    BILLY:
    Mamaya na ang alis ng barko.

    MELBA:
    Kelan ang balik n’yo dito sa isla?

    BILLY:
    Hindi ko alam.  Baka matagalan uli.  Tatlo, apat, limang buwan.  (magkikibit ng balikat)  Hindi ko alam.

Iaabot ni Ruben ang kanang kamay kay Billy.

    RUBEN: (habang iniaabot ang kanang kamay)
    Billy, sori uli sa mga nangyari.  

Kakamayan ni Billy si Ruben.

    BILLY:
    Wala sa akin ‘yon.

    MELBA:
    Sana pagbalik mo, nandito pa kami ni Inay.

Titingnan nina Billy at Ruben si Melba, nagtatanong ang mga mukha.

    MELBA:
    May plano kaming iwan ang isla.  

    RUBEN:
    Saan kayo pupunta?

    MELBA:
    Hindi pa namin alam.  Bahala na.

    RUBEN:
    Hindi n’yo naman kailangang gawin ‘yan.

    MELBA:
    Kailangan na naming umalis dito sa isla.  

    RUBEN: (muling uupo)
    Sa tingin n’yo ba, ‘pag umalis kayo dito, may magbabago sa buhay n’yo?

Hindi sasagot si Melba.

    MELBA:
    Uwi na tayo.

    RUBEN: (hihiga uli)
    Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, Melba. 

    MELBA:
    Uwi na tayo.  Gabi na.

    RUBEN:
    Sanay ka namang umuwi nang gabi.

May pagtatampo sa mukha ni Melba.  Makikita ito ni Ruben.

    RUBEN:
    Sori.  Hindi ko sinasadya.

Katahimikan.

    BILLY: (kay Melba)
    Ihahatid ka namin ni Ruben pauwi.

    MELBA:
    Sanay akong umuwing mag-isa.

    RUBEN:
    Sori na sabi, e.  (uupo uli)  Sori.  Sori talaga.

    BILLY:
    Ikaw, Ruben, ano’ng plano mo?

    RUBEN:
    Wala naman akong ibang puwedeng gawin.  Mangagawil.  Mamamante.

    BILLY:
    Mambubumbong?

Marahang iiling si Ruben.
   
    RUBEN:
    Hindi.  Hindi na.  Ayoko rin namang masira ‘yang dagat.  Di para ko na ring sinakal ang sarili ko.  Ikaw, ba’t ayaw mo pang iwanan ‘yang trabahong ‘yan?

    BILLY:
    Iiwanan ko rin ‘to.  Naghihintay lang ng pagkakataon.  

Tatayo si Melba, haharap sa iskuwelahan.  Pagmamasdan lang siya nina Ruben at Billy.  FS ng tatlo. 

    MELBA:
    Ano ang nangyari sa mga itinuro sa atin ng iskuwelahang ito?

    
CUT TO:


SEQUENCE 33: INT/GABI/BAHAY NINA ALING MILA.
Madilim sa loob ng bahay.  Magbubukas ang pinto.  Papasok si RUBEN, may dala-dalang flashlight.  Susundan ng kamera ang pagpasok niya sa kuwarto nila ni Nita.  May liwanag na nanggagaling sa isang gasera.  Papatayin ni Ruben ang flashlight, ilalapag ito sa ulunan ng katre.  Sandali niyang pagmamasdan si NITA, mahimbing nang natutulog.  Uupo siya sa katre, papatayin ang sulo.

CUT TO:


SEQUENCE 34: EXT/GABI/BARKO.
FS ng papaalis na barko.  Pagkatapos ay CU ni BILLY, nakatanaw sa iniiwang isla.  Makikita nating naka-frame si Billy sa border ng pinto ng kuwarto nilang mga manggagawang mangingisda.  Nasisinagan siya ng ilaw ng barko. 

CUT TO:


SEQUENCE 35: EXT/GABI/DALAMPASIGAN.

FS ni MELBA, mag-isang naglalakad.  Mayamaya’y may biglang hahablot sa kanyang APAT NA KALALAKIHAN.  Hindi natin makikilala ang mga lalaking ito.  Agad na tatakpan ng isang lalaki ang bibig ni Melba.  Manlalaban si Melba, pero magagapi rin siya ng apat.

FADE TO BLACK.


COMMERCIAL BREAK 5


GRADUAL FADE IN FOR:
   

SEQUENCE 36: EXT/MADALING ARAW/DALAMPASIGAN.

Nasa bangka na ang PAMILYA NI MANG GUSTING, liban kay Mang Gusting na nakikipagpaalaman pa kina LEA at TATA SARYO.   Samantala’y pababa ng bangka sina RUBEN, NITA at RICO, galing sa pangingisda.

    LEA:
    Hindi na ho ba talaga kayo mapipigilan, Mang Gusting?

    MANG GUSTING:
    Talagang ganyan lang ‘yan.  Sanay naman na kaming palipat-lipat ng lugar.

    TATA SARYO:
    Kung maisipan ninyong bumalik uli dito sa isla, aba’y bumalik lang kayo.  Bukal sa loob na tatanggapin namin kayong muli, kung gaano kaluwag sa loob namin na tinanggap namin kayo dito noong kayo’y bagong salta pa lang dito. 

    MANG GUSTING:
    Salamat ho, Tata Saryo.  

    RUBEN:
    Mang Gusting, baka naman malaki ang tampo ninyo sa isla natin?

    MANG GUSTING:
    Ito namang si Ruben, kung magsalita’y parang iba ako dito sa isla.  

    RUBEN:
    Naniniguro lang naman ho.  

    LEA:
    Ingat na lang ho kayo.  (kay Aling Loreta)  Aling Loreta, alagaan po ninyo ang katawan ninyo.

    ALING LORETA: (habang kumakaway kay Lea)
    Ikaw rin, Lea.  Maraming salamat uli, iha, sa lahat ng naitulong mo sa amin.  

    LEA:
    Wala ho iyon.

    ALING LORETA: (kay Tata Saryo)
    Tata Saryo, salamat po uli.

Tatango si Tata Saryo.

Darating si ALING ROSING.

    ALING ROSING:
    Talagang tuloy-tuloy na ‘yan, Mang Gusting, a.

Ngingiti lang si Mang Gusting.  Babatiin ni Aling Loreta si Aling Rosing.

    ALING LORETA:
    Rosing, nauna pa kami sa iyo, ha.

    ALING ROSING:
    Una-una lang ‘yan, Etang.

    LEA: (sa batang babae na nasa bangka)
    Carla, magpapakabait ka, ha.  Tandaan mo ‘yung mga itinuro ko sa iyo.

    CARLA:
    Opo, ma’am.

    ALING ROSING: (kay Tata Saryo)
    Napagawi ho ba rito si Melba?

    TATA SARYO:
    Si Melba.  Aba’y kagigising ko lang.  Pinahahayo ko lang itong sina Gusting.

    ALING ROSING:
    Hindi na naman ho kasi umuwi kagabi ‘yung batang ‘yon, e.
    
    LEA: (sa batang lalaki na nasa loob ng bangka)    
    Bimbo, mag-aral ka ring mabuti.  

Ngingitian lang ni BIMBO si Lea.

    TATA SARYO:
    Pagpalain nawa kayo ng Diyos sa inyong biyahe.  

    MANG GUSTING:
    O pa’no, Tata Saryo, Lea.  Nita, Ruben.  Rosing.  Aalis na kami.  Para hindi kami gabihin sa laot. 

    LEA:
    Sige ho.

    TATA SARYO:
    Huwag n’yong kalimutang humingi ng awa sa Diyos.

    NITA:
    Dadalawin ho namin kayo do’n sa lilipatan ninyong isla.  

Aakyat na ng bangka si Mang Gusting.  Ititikin niya palayo ang bangka.  Paandarin ni Mang Gusting ang motor ng bangka.  Matuling lalayo ang bangka. 

CU ng ISANG BATANG LALAKI na nagmamadaling tumatakbo papalapit sa kinaroroonan nina LEA. 

    BATANG LALAKI: (pasigaw, humihingal sa pagtakbo)
    Aling Rosing, Aling Rosing.  Si Ate Melba, nasa kabilang ibayo, patay.  

Pagkarinig nito’y mabilis na tatakbo papuntang kabilang ibayo sina Aling Rosing, Ruben, Nita, Lea, Tata Saryo at Rico.

FS ng isang bahagi ng dalampasigan, mahina ang hampas ng mga alon.  Tatakbong papasok mula sa kaliwang iskrin at lalabas sa kanang iskrin ang mga sumusunod:
Ruben, mabilis ang pagtakbo.

Nita, nakabuntot kay Ruben.

Aling Rosing, inaalalayan ni Lea sa pagtakbo.

Tata Saryo, hirap sa pagtakbo, inaalalayan ni Rico.

MS ni Ruben, galit ang mukha.

MS ni Nita, balisa.

MS nina Aling Rosing at Lea, kapwa umiiyak.

MS nina Tata Saryo at Rico, kapwa may takot sa mukha.  


CUT TO:
    

SEQUENCE 37: EXT/MADALING ARAW/KABILANG IBAYO.
FS ng lugar.  Batuhan ang bahaging iyon ng dalampasigan.  Nagkakagulong nakapaligid ang MGA TAO sa bangkay ni MELBA.  Hindi natin makikita ang katawan ni Melba.  Sa FS na ito, ang gawing ibaba lang ng katawan ni Melba ang makikita nating nakadapa sa aplaya, halatang hubo’t hubad.  Isa-isang magdaratingan sa lugar na iyon sina RUBEN, NITA, ALING ROSING, LEA, TATA SARYO at RICO.  Sisingit sila sa loob ng nakapaligid na tao. 
Mananatiling naka-FS ang kamera.  Makikita nating pahagulgol na yayakapin ni Aling Rosing ang anak. 

CUT TO:


SEQUENCE 38: EXT/HAPON/DALAMPASIGAN.

FS ng dalampasigan.  Isa-isang paandarin ng MGA MANGINGISDA ang kani-kanilang mga bangka. 

EFS ng laot, sa iba’t ibang direksyon pumapalaot ang mga bangka.  Pagkaalis ng mga bangka sa iskrin, gagalaw ang kamera at lilipat ito sa MS ni TATA SARYO, nakatayo sa isang bahagi ng dalampasigan, nakatitig sa mga umalis na mangingisda.  May takot sa mukha ni Tata Saryo.  Maririnig natin ang VO ni Tata Saryo.     

    VO NI TATA SARYO:
    Magpakalawak-lawak man
    Ang dagat ay may tabi.


LAPSE DISSOLVE TO:


SEQUENCE 39: EXT/DAPITHAPON/DALAMPASIGAN.

EFS ng dalampasigan.  Nakasilhouette ang hugis ni TATA SARYO sa lumulubog na araw.  Pinalilibutan siya ng mga BATANG matamang nakikinig sa kanyang pagkukuwento.  Maririnig rin natin sa background ang mahinang hampas ng alon sa dalampasigan.  May mga mangingisdang dadaan sa kanilang likuran, bitbit ang isang nakataob na lumang bangka. 

    TATA SARYO:
    Ang dagat kapag maingay,
    Asahan mo at mababaw.
    Ang dagat kapag tahimik
    Asahan mong may nililihing panganib.


SLOW FADE TO BLACK.


CBB




wakas



Blog EntryMay 5, '09 12:39 AM
for everyone
Mga kathang nilaslasan ng lalamunan

Eli Rueda Guieb III

(Excerpt buhat sa mas mahabang bersyon ng 'Mga Artikulasyon ng dislokasyon: Kaming mga nawawala't nagwawala,’ 1997)


1.  

ANG PAGGAMIT NG FILIPINO o anumang lengguwaheng lokal bilang lehitimong lengguwahe ng pagkatha ng artikulasyon ay isang pangungulila.  Pangungulila iyon sa isang tinig na hanggang ngayon ay pilit na sinasaliksik, pilit na binibigyang hubog.  Pangungulila iyon sa isang tinig na naumid, inumid ng mga busal ng ilusyon ng kasaysayan.  Pangungulila iyon sa isang hinablot na texto ng kaakuhan.  Pangungulila iyon sa nawawalang inunan at kaakuhan.

    Kaya marahil madalas nauumid ang maraming katha.  Dahil hindi kaya ng hinihiram o kinakalakal na lengguwahe na isatinig o bigyang-hugis ang tinig ng bawat himaymay at kislot ng damdamin at kaluluwa.  Kaya marahil ang maraming katha ay parang nilaslasan ng lalamunan, buo pero walang tinig, wala ni anumang ingay, tahimik man ang tinig na iyon o magulo o maingay o malumanay o mahinahon o malungkot o nanginginig o gumagaralgal o nagngangagalit o nanghahamon o nanunukso o nanunudyo o nanlalambing ang tinig na iyon, dahil may bikig sa lalamunan ang mga katha, o kusang nilagyan ng bikig sa lalamunan ang katha. 

    Hanggang tuluyang nawala ang inunan ng mga katha, kasabay na nawala ang kaakuhan, parang isang nagtampong katotohanang dahan-dahang lumisan palayo sa ating dinedeliryong panahon at mundo, namaalam nang hindi natin namamalayan.  

2.

BINUBUO NG TEXTO ANG ATING KAAKUHAN.  Ang pagkilala sa sarili at sa kapwa, ang pag-unawa sa ngayon at noon, maging sa bukas, ang pagturol sa identidad ng nasyon at bansa, ang mga ito’y hinuhubog ng texto.  Hindi lang nakikipag-usap ang texto; inilalapag rin ng texto, at ng akto ng paglikha ng texto, ang mga kahulugan at signifikasyon ng ating mga sarili.

    Subalit binubuo rin ng texto ang mga kasinungalingan ng ating kaakuhan.  Kaya nitong gawing katotohanan ang mga kasinungalingan ng ating panahon, ng mga panahong nagdaan at maging ng mga ngangayuning panahon.  Ang mga kasinungalingang nagiging katotohanan, sa paglipas ng panahon, ay totoo nang katotohanang hindi pinag-aalinlanganan ninuman o ng anuman.  At tumutudla na ang mga ito ng kani-kanilang mga espasyo ng katuturan.  Sa ganitong proseso ay tuluyan nang nawawala ang sarili nang hindi natin nalalaman.  

3.

MARAMI TAYONG ITINATAPON SA ATING BUHAY, sinasadya man o di sinasadya.  At kapag matindi na ang pangungulila ay doon naman natin muling hahanapin ang ating mga itinapon, o naitapon.

    Subalit maraming nawala, at nawawala, sa ating mga buhay hindi dahil sa itinapon natin, o naitapon natin, ang mga bagay na iyon, sinasadya man natin iyon o di sinasadya.  Dahil ang mga bagay na iyon, kalakhan ng mga bagay na iyon, ay sinadyang inagaw sa atin.
 

    At kailangang hablutin ang mga bagay na iyon na inagaw sa atin.

    Ang pagsusulat, ang paglikha ng mga texto, ang akto ng paglikha ng texto, ang mga ito’y makapaghahablot sa mga bagay na inagaw sa atin, lalo’t kung ito ay ang ating sariling kaakuhan, ang ating mga sariling matagal nang panahong nawala, ang ating mga sariling patuloy pa ring nawawala, ang ating mga sariling patuloy na magwawala hangga’t hindi naibabalik ang sarili sa kanyang sariling kaakuhan, o hangga’t hindi nakalilikha ng bagong sarili na makapagpupuno sa nawalang kaakuhan.    

xxx


Heto na naman ang isang lumang sanaysay. 
090504 Montreal, Quebec, Canada


ARTIKULASYON NG DISLOKASYON:
Kaming Mga Nawawala’t Nagwawala


ni

Eli Rueda Guieb III



(Papel na binasa 23 Enero 1997 bilang local fellow for fiction [1996-1997] ng Creative Writing Center ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon.)



    Marami tayong itinatapon sa ating buhay, sinasadya man o di sinasadya.  At kapag matindi na ang pangungulila ay doon naman natin muling hahanapin ang ating mga itinapon, o naitapon.

    Hinahanap ko ang aking mga itinapon, o naitapon, sinasadya man o di sinasadya.  Ang paghahanap sa mga bagay na iyon, anuman ang mga iyon, ang nag-uudyok sa akin para ako ay magsulat sa pag-aakalang masasagot ng texto, o ng akto ng paglikha ng texto, ang mga tanong sa aking isip.  

    Akala ko’y ituturo ng pagsusulat ang mga sagot sa aking mga tanong.  Maraming tanong ang walang-lubay na bumubulabog sa akin.   Halimbawa, ano ba talaga ang imahe ng tao?  N’ung bata pa tayo, tinuro sa atin na tayo raw ay may sampung mga daliri, kamay at paa, dalawang kamay, dalawang tenga, ilong na maganda.  Pero iba ang napapanood ko sa TV o nababasa sa dyaryo: mga batang walang paa at kamay, sinabugan ng mga nakaimbak na land mines; mga babaeng wakwak ang ari, ginahasa ng mga malilibog; mga magsasaka o mangingisdang walang ulo, pinugutan ng militar o ng kanilang mga kapanalig.

    Ano ang nasa pagitan ng duyan at hukay?  Ang buhay ba pagkatapos ng hukay ay tulad rin ng buhay bago ang duyan?  Bakit parang ang lawak-lawak ng espasyo sa pagitan ng noon at ngayon, lalo na ng bukas?  Bakit bihira ang nagtatagal na relasyon?  Bakit kung kailan lumalaki ang bahay ay doon naman hindi nagkakasya ang mga buhay na nakatira rito?  

    Bakit para tayong nawawala?  

    Nasaan ang pangalan ng ating lipi na inagaw ng kolektibong pandarambong ng kasinungalingan?  Nasaan ang mga multo ng ating gunita na binusalan ng ilusyon ng mga mananakop?  Nasaan ang ninakaw na anino ng ating mga ninuno?  Nasaan ang mga binura nilang kasaysayan ng ating tinig at salita?  Nasaan ang nawala nating pangalan?  Nasaan ang ating mga buhay na inampon ng mga kampon ng dahas at kamatayan?  

    Kailanman ay walang ibinigay na sagot ang pagsusulat.  Marahil, kailanman, ay walang ibibigay na sagot ang pagsusulat.   Dahil ang pagsusulat ay hindi paghahanap ng sagot.  Dahil ang pagsusulat, higit sa lahat, ay pagbubuo ng mga tanong, ng marami pang tanong, ng mga tanong na siya yatang sagot, mga sagot na ewan ko kung bakit laging nagtatapos sa tandang pananong, mga sagot na tuwina’y naghuhugis tanong.  

    At habang dumarami ang mga tanong ay lalo namang tumitindi ang pangungulila, paulit-ulit, pabalik-balik.  At habang itinatala ng texto ang mga tanong, sa proseso ay itinatala rin ng texto ang pangungulila.  Ang pagsusulat ay pangungulila; pangungulila iyon sa nawaglit na inunan.  Ang pagsusulat, sa bandang huli, ay nakapangungulilang pagbabalik sa inunan.  

    Maging ang paggamit ng Filipino bilang lengguwahe ng pagkukuwento ay isang pangungulila.  Pangungulila iyon sa isang tinig na hanggang ngayon ay pilit na sinasaliksik, pilit na binibigyang hubog.  Pangungulila iyon sa isang tinig na naumid, inumid ng mga busal ng ilusyon ng kasaysayan.  Pangungulila iyon sa isang hinablot na texto ng kaakuhan.  Pangungulila iyon sa nawawalang inunan at kaakuhan.  

    Pero bakit nawawala ang inunan?  Hanggang kailan ang pangungulila sa inunan?  Paano kung matagpuan na ang inunan?  Katapusan na rin ba iyon ng pangungulila?  At kung tapos na ang pangungulila, katapusan na rin ba iyon ng paghalughog sa mga texto ng kaakuhan?  

    Binubuo ng texto ang ating kaakuhan.  Binubuo rin ng texto ang mga kasinungalingan ng ating kaakuhan.  Kung gayon, ang texto, ang akto ng paglikha ng texto, ang imahinasyon ng kaakuhang nililikha ng texto, ay isang pakikidigma.   

    Ang mga texto ng pagkawala, sa isa pa ring banda, ay mga texto ng paghalughog.  Ang mga texto ng paghalughog ay mga texto ng pakikidigma.

    Muli, kung gayon, ang pangungulila sa mga texto ng kaakuhan ay hindi pag-iyak.  Ang pangungulila sa mga texto ng kaakuhan ay isang pakikidigma.  

    Iyon, iyon ang kayang gawin ng texto at ng akto ng paglikha ng texto: ang hablutin at bawiin ang ating hinahalughog na sarili.  Iyon ang kayang gawin ng texto: ang makidigma.

    Tinanong ko na ang aking sarili kung nasaan ako sa digmaang ito.  Sinagot ako ng tanong na ito ng mga maliliit na tanong, parang mga holen na nalaglag sa aking butas na bulsa, at watak-watak na gumulong sa lupa, ang iba ay nadampot ko pa, ang iba’y gumulong sa kanal: sino ang sariling tinutukoy mo; ano ang sariling ito sa iba pang mga sarili; sinu-sino ang ibang ito sa loob at labas ng sarili?  

    Ang mga texto ng pagwawala, sa madaling sabi, ay mga texto rin ng pagtatanong.

    Ang simula ng pagtatanong ang simula ng pakikidigma.  Saan man tayo dalhin ng pagtatanong, dalhin man tayo nito sa kasuluk-sulukang tupi ng ating mga utak, dalhin man tayo nito sa pinakaliblib na sulok ng pag-aalinlangan, akayin man tayo nito sa mga lunan ng pagkawala, akayin man tayo nito sa mga tahimik o rumaragasang batis ng depresyon, sigurado akong tutukuyin rin ng pagtatanong ang mga tiyak na tipanan ng ating tagumpay.  

    Marahil, sa yugtong iyon, may bagong tanong na ibibigay ang ating mga tanong hinggil sa mga batang walang kamay at paa, hinggil sa mga babaeng winakwak ang ari, hinggil sa mga mamamayang pinugutan ng ulo, hinggil sa ating mga sariling may bikig sa lalamunan o nilaslasan ng lalamunan, hinggil sa ating lipi at mga ninunong ginawang multo ng mga mananakop, hinggil sa pagwawala ng mga henerasyon ng ating lahi, maging sa buhay sa pagitan ng duyan at hukay, sa buhay pagkatapos ng hukay, sa buhay bago ang duyan, hinggil sa mga pangungulilang hindi umiiyak o kung umiyak man ay dahil sa pagkatunton sa mga dahilan ng pagkawala’t pagwawala, hinggil sa mga espasyo ng nakaraan na nakikipagdayalogo sa mga espasyo ng ngayon, hinggil sa maraming hinggil ng pagkatuto.   

    Sa yugto ring iyon, marahil, at sana’y gayon nga, ang pagkagulat ay magiging pagkamulat.
 
    Sa kabuuan, ang artikulasyon ng pagkawala ay pagtukoy sa lokasyon ng sarili sa digmaan ng paglikha ng imahinasyon ng kaakuhan.  

    Ang ating mga artikulasyon ng dislokasyon, sa bandang huli, ay mga artikulasyon din pala ng lokasyon ng kaakuhan.  

x x x








Blog EntryApr 17, '09 10:01 PM
for everyone
Department of Anthropology

Ph.D. Dissertation Defense

for

Eulalio R. Guieb III

on

Wednesday, 22 April 2009

1:00 p.m.

at

McGill University
Leacock 738

Thesis Title:
"Community, marine rights, and sea tenure:
A political ecology of marine conservation in two Bohol villages in central Philippines"

Members of Mr. Guieb's committee are:
1) Prof. Lydia White (Pro-Dean) (Dept. of Linguistics)
2) Prof. Michael Bisson (Dept. of Anthropology)
3) Prof. Colin Scott (Dept. of Anthropology)
4) Prof. John Galaty (Dept. of Anthropology)
5) Prof. Ismael Vacarro (Dept. of Anthropology)
6) Prof. Philip Buckley (Dept. of Philosophy)


The defense is a Graduate Faculty meeting and is open to all members of the University and public, chaired by a Pro-Dean (acting for the Dean of Graduate Studies) and including outside persons. 

Blog EntryApr 15, '09 12:19 AM
for everyone
Let me share a dalit that I wrote in 1997.  This dalit is a prayer, and must be intoned in whispered voices. 

I write it down here with an English translation opposite the original text. 
I requested a lawyer-friend, who is also an awarded fictionist and poet in the Philippines, to do the translation of this dalitIn 1999, I made a transaction with myself that I will not translate any of my works that I originally wrote in Filipino into English.  I leave the job of translating my works to anyone who will find interest in them. 

I believe that I do not have a monopoly even over my own work. This is how the simultaneity of various texts indulges one another, both in form and practice.  In real life, this is how various meanings of our social texts run into each other, each existing in demarcated spaces and places, yet transgressing the same boundaries to create a multiplicity of meanings and probabilities, hopefully to free the text from the monopoly - or monopolyzing tyranny - of a single authorship. 

Dalit kay Ama't Inang Kalikasan              Dalit for Father and Mother Nature
ni Eli G.                                                         Translation by Heidi P. Cruz

Ibalik mo sa amin, Ama't Inang Bundok,      Restore to us, Father and Mother Mountain,
ang aming pagkatao na inagaw ng patag.      our humanity that the plains snatched from
                                                                   us.

Ibalik mo sa amin, Ama't Inang Kalawakan,    Restore to us, Father and Mother Sky,
ang mga multo ng aming gunita                        the ghosts of our memory
na binusalan ng ilusyon ng mga mananakop.     that the conquerors stifled with their
                                                                      illusions.

Ibalik mo sa amin, Ama't Inang Araw,             Restore to us, Father and Mother Sun,
ang ninakaw na anino ng aming mga ninuno.     the stolen shadows of our forebears.

Ibalik mo sa amin, Ama't Inang Katubigan,      Restore to us, Father and Mother Ocean,
ang binura nilang kasaysayan                           the heritage of our voices and tongues
ng aming mga tinig at salita.                              that the strangers erased.

Ibalik mo sa amin, Ama't Inang Hangin,            Restore to us, Father and Mother Wind,
ang mga nawalang titik ng aming mga pangalan. the lost scripts of our names.

Ibalik ninyo sa amin,                                        Restore to us,
mga anito't bathala ng kalikasan,                      spirits and gods of nature,
ang aming buhay at lunan                                 our lives and lairs
na inampon ng mga kampon                             that had been engorged by the disciples
ng dahas at kamatayan.                                    of death and violence.

Ipakilala ninyo silang lahat muli sa amin,            Acquaint us with them again,
silang lahat:                                                      all of them:
ang aming pagkatao,                                        our humanity,
ang mga multo ng aming gunita,                        the ghosts of our memory,
ang mga anino ng aming ninuno,                        the shadow of our forebears,
ang aming tinig, titik at salita,                             our voices, writings and tongues,
ang aming pangalan,                                         our names,
dahil ang lahat ng iyan                                       because all of these
ang kabuuan at kagampan                                are the wholeness and ripeness
ng aming mga buhay at lunan.                           of our lives and lairs. 

Ipakita nawa ninyo sa amin                               May you show us
ang sarili naming lakas at kapangyarihan            our own strength and power
nang sa gayon ay maituwid namin                      so that we could set straight
ang mga binaluktot nilang katotohanan;              the truths that the strangers twisted;
At huwag sana kaming mangiming gamitin          May we never hesitate
ang taglay naming lakas at kapangyarihan           to use this power
upang muli naming hulmahin,                              to mold,
hutukin at pandayin                                            sculpt and smelt
ang mga moog at mohon                                    the fortresses and foundations
ng aming lipi at kasaysayan.                               of our ethnicity and history. 

Ipagkatiwala ninyo sa amin                                Lend us
ang mga unos ng inyong gubat,                          the storms of your jungles,
ang mga sigwa ng inyong langit at lupa,              the tempests of your earth and skies,
ang darang ng inyong araw,                               the scorch of your sun,
ang mga alon at ragasa ng inyong tubig,              the waves and rages of your oceans,
ang mga bagyo ng inyong hangin.                       the typhoons of your wind.

At maging karapat-dapat nawa kaming              And may we be
maging lakay ng kalikasan,                                wise stewards of nature
tagapagtanggol ng inyong paninindigan               defenders of your faith
upang ganap na maghari                                    in order that right and justice
ang katuwiran at katarungan.                             may reign over all.

Ama't Inang Kalikasan,                                     Father and Mother Nature,
panalangin namin ay inyong dinggin.                   hear our prayer.

Harinawa.                                                         May Your will, Our will be done.








[Isang lumang journal entry, na buhat din sa ginigibang sanaysay. 090410 Montreal, Quebec, Canada]

Hagkis ng hangin sa bundok na bato,
Igkas ng panganib sa mga sungay sa dagat

13 Agosto 1997, Miyerkules
Taytay, Hilagang Palawan

    
    Tumuloy kami ng tatlo kong kasamahan (dalawang mangingisda at isang NGO worker) sa Pabellon.   Pabellon ang tawag sa magkakambal na islang ito.  Mga islang hindi naman isla, dahil kung tutuusin, dalawang matatarik na bundok na bato ang magkakambal na islang ito na nagkaugat sa gitna ng dagat.  

    Noong 1995, noong ginagawan ko ng video documentary ang research ng Tambuyog sa Palawan [NGO na kinabibilangan ko noon], ay napagawi na kami rito sa Pabellon.  Sa likod ng isla kami nagtago nang sumagupa ang subasko (mala-bagyong hangin at ulan) habang kami ay nagsu-shooting.  Ang ganda-ganda ng likod nitong Pabellon.  

    Kanina, nang muli ko itong dalawin, ay maganda ang panahon, pero malakas ang alon.  Dumudulas ang bangka sa mga alon.  Sa harap ng Pabellon kami dumaong.  Kung alin ang harap at likod ng isla ay hindi naman talaga tiyak.  Nakasanayan na lang tawaging harap ng isla ang bahaging may mahaba at manipis na hilata ng mapuputing buhangin.  

    Nagpunta kaming apat sa tinatawag nilang ilog sa loob.  Isa itong malaking kuweba na may tubig-dagat sa gitna.   Malawak na bilog ang ‘ilog’.   Ayon sa kuwento, hindi pa alam ng mga tagarito kung saan ang lagusang dinadaluyan ng tubig-dagat papasok sa malawak na bilog na ilog.   Malalim rin ito; siguro ay mga limang dipa rin ‘yung lalim.   Naglundagan kami sa ilog, pero may konti akong kaba, ewan ko kung bakit.  Malamig ang tubig.  Pinapupunta ako ng mga kasamahan ko sa gitna, pero ewan ko kung bakit ako ginapangan ng takot.  Baka higupin ako sa ilalim, sigaw ko na lang sa kanila.  

    Kung tutuusin ay ligtas ang lugar: malinaw na malinaw ang tubig, kitang-kita ang ilalim.  Puting-puting buhangin ang ilalim.  Matatalim ang mga maliliit na usli ng bato sa paligid ng nakalubog na bahagi ng kuweba.  Sakali mang higupin ako ng kuryente ng lagusan patungong dagat, tiyak na makikita ako’t maililigtas kaagad ng mga kasamahan ko.  Iyon ay kung singbilis ng kanilang langoy at sisid ang higop ng nakakubling lagusan.  At iyon ay kung sila man ay hindi rin hihigupin ng nakamasid na trahedya.  

    Pagkatapos lumangoy, sa labas ng kuweba, ay pinagmasdan kong maigi ang dambuhalang batong ito.  Manghang-mangha ako sa tikas ng dalawang higanteng ito.  Pinamamahayan ang mga kuweba nito ng mga balinsasayaw na ang pugad ay pinagkakakitaan ng milyon-milyong piso ng kung kanino man naka-lease ang mga islang ito.   Ginagamit sa paggawa ng nido soup ang pugad ng mga balinsasayaw.  

    Marami nang kuwento ng kamatayan ang narinig ko hinggil sa mga mayayabang na batong ito: mga upahang manggagawang inangkin ng mga talim ng bundok, sinakmal ng mga di-inaasahang pangil ng mga nakausling bato sa mapanlinlang na hikayat ng kuweba, nilamon ng mga nanlalapang bunganga ng bangin na lihim na nagkukubli sa kapangyarihan ng dilim, inilibing sa mga traydor na salikop ng mga bituka ng dugtong-dugtong na mga yungib.   

    Para sa isang dayong tulad ko, magandang tingnan ang Pabellon.  Pero kung maririnig ang mga kuwento ng kamatayan at kung paanong ang islang ito’y ipinaangkin ng pamahalaan para gawin itong patubuan ng yaman, patong-patong na trahedya ang imaheng isinasalubong nito sa aking isip.  Hindi ko maisip kung anong kahirapan o kawalang pag-asa ang nagtutulak sa mga bata’t binata’t mga ama, mga Tagbanua at Cuyonen, mga tagarito at dayo, upang lakas-loob na akyatin ang mga delikadong tipak ng bato at ibayubay ang sarili sa rurok ng mga matatalim at matatarik nitong dalisdis na bato.   Natutunan na yata nilang maging manhid sa kanilang mga kamatayan.   Hindi ko rin maisip kung anong pagkatao mayroon ang nangangapital sa kalakal na ito upang ipain sa kamatayan ang mga mamamayang hindi makatanggi, o hindi marunong tumanggi, sa maliit na suweldong kanilang tinatanggap.  Natutunan na rin yata ng mga kapitalistang ito na maging manhid sa kamatayan ng iba.  

    Maalon at malakas ang hangin nang paalis na kami sa Pabellon.  Tumatalon-talon ang bangkang sinasakyan namin.   Para akong gustong itilapon ng bangka sa dagat.  

    Habang palayo kami ay lalong gumaganda ang Pabellon.  Hinihiwa at inuukit ng hanging dagat ang hugis at hubog – ang lahat at bawat sulok at talim – ng magkakambal na bundok na batong ito na natutunang magkaugat sa gitna ng dagat.  

    Pero habang lumalayo ay nagmimistula ring dalawang kiming sungay ang dalawang matikas na higanteng batong ito sa gitna ng maalong laot.

x x x


Blog EntryApr 10, '09 7:46 PM
for everyone
[Isa na naman itong lumang journal entry.  Tulad ng dati, nasa lumang-lumang CDs o diskette ang original file nito (na nasa Pinas), kaya hindi ko matiyak ang exaktong petsa ng pagkakasulat nito.  Bahagi ngayon ang piyesang ito ng mahabang sanaysay na siyang nasa computer ko ngayon, pero ginigiba ko ngayon ang sanaysay na ito.  At tulad ng isa kong pinost, isa rin ito sa mga seksyon ng ginigibang sanaysay na gusto kong isalba.  (Kung ipost ko rin kaya dito yung ginigiba kong sanaysay?  Pag pinost ko iyon, mawawalan ng saysay ang paggiba sa sanaysay na iyon.) Pero tiyak ako na sinulat ko ang journal entry na ito sa pagitan ng Hunyo 1997 hanggang Marso 1998.  Nakatira ako noon sa northern Palawan para sa aking fieldwork sa aking Master's thesis.  090410 Montreal, Quebec, Canada]

Mula sa kinalululanan kong bangka


Isang tag-araw ito ng pamumundok at pamamalakaya sa Hilagang Palawan.

Sa biyahe mula sa Isla Calibangbangan pabalik sa poblasyon ng Taytay ay maaraw sa bahagi ng dagat na dinaraanan namin.  Pero tanaw ko sa isang bahagi ng laot ang paggapang ng dilim at ulan sa bahagi ng Isla Batas na umuusad papuntang El Nido.  Malawak ang saklaw ng ulan at dilim na iyon.  Iba ang pakiramdam na tanaw mo ang unos mula sa lugar mong hindi inuunos, pero hindi ko alam kung ano ang pakiramdam na iyon.  Hindi naman siguro kailangang bigyan ng kategorya ang lahat ng damdamin ng tao.

Maalon pero banayad ang andar ng bangkang sinasakyan ko.  Maliit lang ang bangka.  Ako lang at ang Tagbanuang naghahatid sa akin sa kabilang ibayo ang lulan ng bangka. 

Humiga ako sa bangka.  Masikip ang bangka, saktong-sakto ang lapad ng aking katawan.  Masakit ang tama ng araw sa balat.  Masakit sa mata ang langit.  Tanaw ko ang mga ulap.  Damang-dama ko ang bagsak at bagsik ng tama ng araw.  Nakakakiliti ang talsik ng tubig-dagat sa aking katawan.  Bigla kong naisip, para akong bangkay na ibinibiyahe sa bangka.

Ano ba ang pakiramdam ng isang patay na tina-transport?


Blog EntryApr 10, '09 6:35 PM
for everyone
[Magpo-post uli ako ng isang lumang sanaysay.  Hindi ko na matiyak ko kung kelan ko ito sinulat, pero malamang ay sa pagitan ng 1995 at 1997.  Wala sa akin ngayon dito sa Montreal ang original file nito -- naka-CD o diskette hehehehehe, maging hardcopy.  Kasama ang piyesang ito sa isang mas mahabang sanaysay, na siyang file na nasa computer ko ngayon.  Pero ginigiba ko na ang mahabang sanaysay na ito, at tinitingnan ang mga seksyon na pwede ko pang isalba.  Isa ang piyesang ito sa mga sinalba ko. 090410, Montreal, Quebec, Canada]

Introspeksyon: Pagninilay ng isang mountaineer

Bakit ba ako namumundok?

Ito ang tanong na lagi kong itinatanong sa aking sarili.  Hindi iisa ang sagot sa tanong na ito.

Unang-una, ang pamumundok ay pakikipagkasunduan sa kalikasan.  Minsan, ang pakiramdam ko, ang bundok ay amoy luha.  Minsan, ito ay amoy alinlangan.  Subalit, kadalasan, ang bundok ay amoy ngiti ng bata.

At hindi ako mapakali kapag naaamoy ko ang luha, kapag naaamoy ko ang alinlangan sa paligid, kapag naaamoy ko ang ngiti ng bata.  Dahil iisa lang ang ibig sabihin ng mga pagkakataong iyon: naaamoy ko ang sarili kong luha, ang mga sarili kong pag-aalinlangan sa tinatagurian ng marami na katiyakan ng mga bagay, naaamoy ko ang mga sarili kong ngiting bata na inaagaw ng malay ng patag.

Minsan, kapag pinag-aaralan ko ang laman ng aking backpack, napapahiya ako sa aking sarili.  Kadalasan ay nakaempake ang siyudad sa aking backpack.  Aanhin ko ang lungsod sa bundok?  Bakit pa mamumundok kung titibagin din lang naman natin ang mga muhon ng pagkatao na nakaukit sa mga tipak ng bato ng gubat?  Paanong makikipagtitigan sa hangin kung ang lente ng malay ay nakatitig sa sementeryo ng ligalig na dulot ng lungsod?

Kadalasan rin, ang pamumundok ay paghahanap ng katahimikan.  Subalit, sa maraming pagkakataon, ang pamumundok ay hindi paghahanap ng katahimikan; ang pamumundok ay paghahanap ng halakhak.  Kadalasan rin, ang pamumundok ay hindi paghahanap ng mga trails sa gubat; higit sa lahat, ang pamumundok ay paglalakbay sa internal landscape ng ating mga sarili.

Ikalawa, ang pamumundok ay hindi pagyayabang ng sarili, o pagtatampok ng mga inimpok at inimbak na lakas.  Dahil ang pamumundok ay pakikipagsanduguan, higit sa lahat, sa buhay, sa tao, sa lahat ng anyo at antas ng buhay.  Ang pamumundok ay pag-akay sa iba tungo sa pagbubuo ng kani-kanilang mga hinahalughog na sarili. 

Higit sa lahat, ang pamumundok ay pagbubuo ng sarili, pagbabalik sa inunan, paghahanap sa ili.

Marami pang bundok ang dapat akyatin, dahil marami pang sarili ang dapat na hubugin at hutukin, mga sarili sa loob ng sarili at mga sarili sa labas ng sarili.




Blog EntryDec 7, '08 1:20 PM
for everyone

Naisip kong magpost ng isang sanaysay na matagal ko nang sinulat. 

081207 Montreal, Quebec, Canada

 

LAKAMBINI:

Mula Duyong Hanggang Gunita

ni

Eli Rueda Guieb III

[Ang sanaysay na ito ay nagwagi ng unang gantimpala sa 1995 Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.  Una itong nalathala sa Philippine Humanities Review 3 (1), 1999, College of Arts and Letters, University of the Philippines-Diliman.]

1.

            Bata pa ako ay marami na akong naririnig na kuwento tungkol sa kanya, sa kanila ng kanyang mga kasamahan at kababaryo.  Ang mga kuwentong ito ay paksa ng mga huntahan sa baryong iyon.  Tuwing bakasyon o piyesta ay lagi’t lagi kong naririnig ang iba’t ibang kuwento tungkol sa kanya.

            Maingay at masayang pinagbibidahan ng mga katandaan at ng aming mga magulang at ng mga bapa’t nanang ang tungkol sa nakaraang iyon.  Isa iyong nakaraan na tila isang napakahalagang yugto ng kanilang kolektibong buhay.  Ewan ko, parang walang sawa nilang binabalik-balikan ang bahaging iyon ng kanilang kasaysayan.  Sila-sila lang naman ang paulit-ulit na nagkukuwentuhan.  Kami namang magpipinsan ay nakikinig lang sa kanilang mga usapan. 

            Sa katunayan ay hindi naman totoong pakikinig ang ginagawa namin.  Lagi kaming naglalaro ng mga pinsan ko.  Palibhasa’y tuwing bakasyon lamang nagkikita-kita kaya’t walang sawa kaming maglalaro o magkukuwentuhan ng kung anu-ano.  Sa pagitan ng mga larong iyon, o sa pagitan ng mga simpleng kuwentuhan ng mga batang punung-puno ng mga pangarap, ay maririnig namin ang hiyawan ng mga katandaan.  Sa mga hiyawang iyon, na animo’y nag-aaway sila sa lakas ng kanilang mga boses, ay doon ko maririnig ang mga kuwento tungkol sa kanya.  Matatabunan ng mga kuwentong iyon ang aming paglalaro o ang aming pagkukuwentuhan.

            Punung-puno ng yabang ang kanilang mga tinig.  Isang uri iyon ng yabang na tiyak mo namang punung-puno ng pagpapakumbaba.  Pagpapakumbabang rumaragasa sa kanilang mga pamumuhay na tigib ng pakikipagtunggali.  Isang kolektibong buhay iyon ng sama-samang pagbabakwet sa panahon ng iba’t ibang uri ng digma.  At pagkatapos ng mahabang paglisan at pagkawala, ang kanilang buhay ay muling maghahanap ng ugat.  At muli ay babalik sila sa kanilang pinagmulan, sa baryong iyon na walang katapusang nakikipagbatbatan sa mga giyerang sabay na nagmumula sa loob at sa labas ng itinakdang hangganan ng kanilang pamumuhay.

            May giyera ring nagaganap sa loob ng kanilang mga katauhan.  Madalas ay itinutulak sila ng kahirapan, at ng mga pagtatanong tungkol sa kahirapan, na mag-alsa balutan at, wika nga, kalabanin ang sarili’t pamilya upang hanapin ang iba pang buhay sa labas ng kanilang mga sarili.  Minsan naman ay kinakabig sila ng kahirapan, at ng mga pagninilay hinggil sa kahirapan, na salansanin ang kanilang mga tampipi at, wika nga, makipagniig sa sarili’t pamilya upang hanapin ang iba pang buhay sa loob ng kanilang mga sarili.

            At kapag tapos na ang aking pagbabakasyon sa lugar na iyon, na minsan ay mahaba at minsan naman ay ilang araw lamang, ay mawawala sila sa aking buhay.  Muling babalik ang aking mundo sa Maynila kung saan kami nakatira noong ako’y bata pa.  O sa Baliuag kung saan lumipat ang pamilya bago ideklara ang batas militar.  Maaalala ko na lang muli ang baryong iyon kapag may bumibisita sa bahay upang mangumusta, o sandaling makipanirahan, o kung may balitang makaaabot sa amin na namatay si ganito, may malubhang sakit si ganoon, sinira ng bagyo ang pananim ni Apung Dani (na ama ng lola ko), na nilusob na naman sila ng militar, na binabalikan na naman sila ng mga Huk, na itong si ganito ay lumipat sa kabilang panig, na may binaril na naman sa harap ng buong baryo sa tapat ng bahay ni ganire, na pinaghahanap si kwan dahil galit na galit na sa kanya ang gobyerno, na ang bagong henerasyon raw ng Huk ngayon ay naging CAFGU o ginawang CAFGU, na interasado raw si Lito Lapid sa buhay ni Kumander Binata na isa sa magigiting na anak ng baryong iyon, na na-front page si ganito sa isang tabloid, nakalatag ang duguang katawang ibinuwal ng mga tingga ng gobyerno, na nakakita ng duwende ang isa kong pinsan, na sinasaniban yata ng masamang espirito itong si kwan na apo ni ganoon, at huwag daw muna kaming magbabakasyon doon dahil delikado ang panahon.

            Naipon ang mga kuwentong ito sa aking gunita.  Sa aking isip ay paglalaruan ko ang mga kuwentong ito.  Dudugtungan ko ng mga katapusan ang kanilang mga pagsisimula.  Daragdagan ko ng mga insidente ang kanilang mga kuwento.  Subalit kadalasan ay may mga maiiwang tanong sa isip ko na kailanman ay hindi ko pinagkalakasan ng loob na itanong kay Mama (ang aking lola).  Mga tanong iyon na manganganak ng marami pang tanong hanggang ang mga tanong ay maging alamat sa aking gunita.

            Hindi ko akalaing sa aking paglaki ay susundan ako ng mga gunitang iyon.  Ayaw akong tantanan ng mga tanong na iyon.  Sa dahan-dahang pagkaunawa, sabay na rin ng paglalatag ng mga pagsusuri, personal at pulitikal, ay isa-isang masasagot ang mga tanong na iyon.  Subalit may mga tanong na mananatiling tanong.  Na hanggang ngayon ay akin pa ring itinatanong.

            Nitong mga nagdaang taon ay dumalas na naman ang aking pagdalaw sa baryong iyon.  Sa bawat pagdalaw ay may mga mukha akong matatandaan, may mga mukha akong hindi makikilala, may mga mukhang magpapakilala, at may mga mukhang hindi na makikita.  Ikaw ba ‘yan, itatanong nila.  Oo, ikaw nga, anak ni Bele, apo ni Linda Flora (ang stage name ng lola ko), apo ni Kuyang Pepeng, apo ni Lakambini (ang alyas ni Apung Pepeng).

2.

            Sabi ni Apung Mameng:

            Si Lakambini ay kababaryo namin dito sa Duyong.  N’ung dumating ang giyera, ang balita ko, may kumuha sa kanya, dinala sa bundok.  Ang nagdala sa bundok, ‘yung mga kasamang humahawak sa kilusan ng anti-Hapones.  Siguro, nuong idala si Lakambini sa bundok, mga 1941 pa lang, Disyembre.  Natatandaan ko, mga nineteen, nineteen years ako noon.  Hindi masyadong malaki ang agwat ng aming edad, pero mas matanda siya sa akin.  Kaabud-abod, nabalitaan ko na lang na si Pepeng ay tinatawag na nilang Lakambini.

            Tumindig ka nga.  Kapareho mo, pandak.  Maskulado, magandang lalaki, maputing-maputi, simpatiko.  Huwag kang magdadamdam sa sasabihin ko sa iyo, talagang mas makisig siya sa iyo.  Maganda pa sa Lola Ading mo, e.

3.

            Si Lola Ading.  Kailanman ay hindi ko siya tinawag na Lola Ading.  Mama, iyon ang tawag ko sa kanya.  Ewan ko kung bakit.  Lumaki kaming Mama ang tawag namin sa kanya, habang ang tawag sa kanya ng aking mga pinsan at mga kamag-anak ay Apung Ading.

            Hindi ko pa noon naiintindihan ang lahat.  Lumaki ako na ang kilalang lolo sa ina ay si Lolo Akong.  Mula Lunes hanggang Biyernes ay sa kanila ako nakatira, sa Sampaloc.  Kasama namin si Auntie.  Kapag weekends ay iniuuwi nila ako sa Mandaluyong kung saan nakatira si Nanay at si Tatay, kasama ang mga nakababata kong kapatid.  Hindi ko talaga maintindihan kung bakit sinasabi nilang lolo ko nga si Lolo Akong, pero mas totoo ko raw lolo si Apung Pepeng.  Siyempre, bukod pa sa mga lolo’t lola ko sa tatay.  Pangalawang lolo ko pala ang nakilala kong Lolo Akong.  Kaya siguro hindi ganoon kahalaga sa akin ang aking Apung Pepeng.

            Isa lang siyang black-and-white photo na ipinakikita nila sa akin.  Isa lang siyang kuwentong naririnig ko sa mga bidahan ng aking mga kamag-anak.  Isa lang siyang drawing sa utak, walang hugis, walang kulay, walang buhay. 

4.

            Sabi Apung Mameng:

            Doon sa amin, lahat ng baryo at sitio, duon lahat sila pumupunta, sa Duyong.  Ang Duyong ang pinaka-number one na lugar na nag-aayos sa lahat ng gusot.  Ang Duyong nuon ang pinakamagaling.  Litaw na litaw ang pangalang Duyong.  Matingkad na matingkad ang karangalan ng Duyong.  Ang Bayan ng Candaba, Talang at mga karatig-nayon, ay ang Duyong ang ginagawang pinakasentro ng kilusan.

            Marami na rin ang tao nuon, pero hindi kasingdami ngayon.  At ang lugar ng Concepcion nuon, e, pulu-pulo.  May pulong mangga, may pulong magbabanga, may pulong tating.  ‘Yun ngang tinitirhan nila Lakambini, pulong tating, ‘ika.  May maglangque, may parala, may pulong maragul.  Iyon ang bumubuo sa baryo ng Duyong.

            A, maganda ang tanawin sa Duyong nuong panahong iyon.  Maraming manggahan, maraming kawayanan at mga akasya.  Ang Duyong nuon ang pinanggagalingan ng hanapbuhay ng balana, lalung-lalo na ng mga mangingisda.  Maganda ang Duyong.  Busog na lugar ang Concepcion.  Mayroon itong palayan at mga alagang kalabaw.  Kung gusto mong makainom ng gatas, pumunta ka lang sa tinatawag na Lakmit, kahit isang balde, makakakuha ka.  Talagang busog ang Duyong nuon.

            Ang mga mamamayan ay nagmamahalan.  Hindi paris ngayon na bulaklak lang ng kalabasa ay pinagbibili pa.  Nuon, hindi ito pinagbibili.  Nuon, pagka may halaman kang kalabasa at may bunga, hindi iyo ang lahat ng mga iyon.  May nakatanda para sa pinsan mo, sa kapatid mo at maging mga kapitbahay mo.  Ganoon.  Maging sa mga saging.  Maraming sagingan nuon sa Duyong.  Pagka tinabas mo na para pahinugin, may nakalaan sa tiyuhin mo, sa kuya mo at sa lahat na.

            Kung panahon naman ng gatasan ng kalabaw, ang lahat ng bata sa pulong iyon ay may kanya-kanyang dalang asaro at baso para paglagyan ng gatas na ibinibigay ng nagpapagatas ng kalabaw.  Ganyan sila kung magmahalan nuong panahong iyon.

            Maganda rin nuon ang pagsusunuran ng mga tao.  Ginagalang at pinakikinggan ang mga nakatatanda.  Ilan sa mga matatandang ginagalang at sinusunod ay si Lolo Ige na ama ng iyong Apung Lakambini, si nasirang ama ko at si Lolo Salvador.  Kapag sila na ang nagsalita at nagpasya, wala nang dapat pang pag-usapan at pagkayarian ang baryo.  Halimbawa, may kapistahan, kung ano ang napagkaisahan nuong tatlong kataong iyon, susunod lahat ang mga mamamayan.  Walang tumututol.  Ganyan ang Duyong nuon.

            Busog, hindi lamang ang tao ng baryo, kundi maging sa may kaitaasan.  Ang mga taga-Tilapayong, taga-Baliuag, ay dumarayo dito para mangisda.  Ang Duyong nuon ay may palaisdaan, may palayan, may prutasan, lalung-lalo na ang mga mangga. 

5.

            May mga kalungkutang maghahanap ng lagusan ng liwanag.  Bakit hindi ako naging bahagi ng baryong ito, itatanong ko sa sarili ko.  Nakakalungkot iyong tanong na iyon.  Subalit higit akong malulungkot kapag sumasagi sa isip ko ang isa pang katanungan: bakit, kailan ka ba naging bahagi ng isang baryo?  Kailan ka ba nagkaugat?

            Subalit sa mga pagbabalik na iyon ay bihira ko nang marinig ang tungkol sa kanya.  Kung hindi ko pa itatanong ay hindi na nila ikukuwento, o maaalala.  At oras na masimulan ang tungkol sa kanya ay sisingit ang marami pang katandaan upang mag-ambag ng mga gunita sa isang kolektibong nakaraan sa kanilang kasaysayan.  Samantalang ako, kasama ng aking mga pinsan, ay muling makikinig.  At ang pakikinig na iyon ay totoo nang pakikinig dahil hindi na kami naglalaro ng mga pinsan ko.

            Pero ang mga bata sa baryong iyon, at maging ang bagong henerasyon ng kabataan, ay magkikibit ng balikat, ang ilan ay makikinig, ang ilan ay aalis at maghahanap ng iba pang kausap, ang iba naman ay babalik sa bukid upang magtrabaho o uuwi na lang sa bahay upang magpahinga.  Maiiwan kami.

            Kinabahan ako.  Buhay pa nga ang kanyang kuwento, subalit sa kakaunting tao na lamang.  Ang isang alamat na nabuhay sa loob ng limang dekada ay nagbabadya na ng pamamaalam, kung paanong namaalam na ang maraming buhay sa loob ng limang dekada sa baryong iyon, kung paanong nagbabadya na rin ng pamamaalam ang maraming katandaan sa lugar na iyon.

6.

            Sabi ng iba pang matatanda:

            Dati, puro kawayanan dito.  Konti pa lang nuon ang palayan, mas malawak ang kawayanan.  Magubat ito nuon.  Sa kawayanan nga nagtatago ang mga Huk nuon e, ginagawa nilang kampo.  Ang natatandaan ko, nuon na lang panahon ni Magsaysay unti-unting nawala ang mga kawayan dito.  Ginawa nang palayan. 

7.

            Nakakapagod maglakbay sa Duyong, hindi dahil sa baku-bako at maalikabok na kalsadang parang isang mahabang ahas sa gitna ng isang malawak na kapatagan na minsan ay berde, minsan ay ginto, minsan ay simpleng tigang na lupang naghihintay ng tagapagbungkal.  Hindi naman talaga nakakapagod ang biyahe patungong Duyong, lalo na kung sa Baliuag ka magmumula.  Wala pang isang oras na biyahe ng tricycle ay naroroon ka na, minsan nga ay kalahating oras lang.

            Higit na nakakapagod maglakbay sa loob.  Sa tuwing pupunta ako ng Duyong, sa daan pa lang ay maraming alaalang bumabalik sa aking isip.  Ewan ko kung bakit.  Hindi naman dahil sa nagiging sentimental ako, gayong hindi naman talaga ako tumira doon, puro pagbabakasyon lang, o pakikipamiyesta.  Dahil ang kalsadang patungong Duyong, para sa akin, ay parang isang kurdong umbilikal na nakaugnay sa pusod ng isang lumang kahapong pinamamahayan ng mga lumang kaluluwa, mga sinaunang buhay na hindi mawaglit-waglit ng aking kasalukuyang ako.

            Paano ko rin basta malilimutan  ang kalsadang iyon?  Nakasakay kami sa isang arkiladong dyip, papunta kami sa Baliuag, kasal ni Auntie (ang anak ng ikalawa kong lolo, si Lolo Akong), abay ako.  Ang natatandaan ko ay hindi pa ako nag-aaral noon.  Maingay kami sa dyip, kasama si Nanay, si Lolo Akong at iba pang kamag-anak.  Hindi ko kasama sa dyip na iyon si Mama.

            Nakita ko na lamang na dumulas papunta sa kinauupuan ko ang mga taong katapat ko sa upuan.  Sumisigaw sila.  Nagising akong nakadapa na sa kalsada, sa ilalim ng dyip.  Narinig ko ang boses ni Nanay, anak, lumabas ka.  Nakita ko si Nanay, nakadapa rin.  Alam ko, umiiyak ako noon.  Gumapang ako palabas.  Pagtayo ko, nakita ko ang dyip na kanina ay sinasakyan namin, nakataob sa kalsada, mabilis pa ang ikot ng mga gulong.  May dugo ako sa noo, may mga galos ako sa braso.

            Ang natatandaan ko na lang ay umaabay pa rin ako, marumi na ang puting damit na suot ko, marumi rin ang damit ng ibang abay, at may benda sa ulo si Lolo Akong.  Natatandaan ko rin, bago kami tumuloy sa simbahan ay dinala kami sa isang maliit na ospital sa Baliuag.  Umiiyak ako sa tricycle, natatakot ako sa biyahe, inaalo ako ni Nanay, ‘Nay, mabilis ang tricycle.

            Mabilis ang tricycle, mabilis ang dyip, mabilis ang bus.  Buhat noon, natatakot na akong sumakay kahit na sa anong sasakyan.  N’ung maliit pa ako, lagi akong umiiyak sa takot, anuman ang sakyan namin.  N’ung malaki-laki na ako at nakakahiya nang umiyak sa loob ng sasakyan, tahimik na lamang ako, pero ang dibdib ko, kakabog-kabog.  Nawala ang takot ko sa tricycle nuong mag-aral ako sa Baliuag.  Nawala ang takot ko sa dyip nuong mag-high school ako sa Malolos.  Nawala ang takot ko sa bus nuong mag-college na ako sa U.P.

            Pero magpahanggang ngayon, hindi ko maintindihan, tuwing nagpupunta ako sa Duyong, lagi at lagi kong naaalala ang pangyayaring iyon.  Maaaring wala na ang takot, pero lagi at lagi ay naroroon ang gunitang iyon, at lagi’t lagi’y hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko tuwing mapapadaan ako sa bahaging iyon ng kalsadang iyon patungong Duyong.

            Kumikislot ang kurdong umbilikal.  Hindi ko alam kung nais nitong humulagpos sa pusod ng Duyong.  Hindi ko rin alam kung hinihila lang ako ng kurdong ito pabalik sa pusod ng Duyong.

8.

            Sabi ng isang tulang binigkas sa akin ni Apung Marcing:

            Minsan a aldo, Domingo ning abac

            Aduang pulu’t metung ning Febrero milabas

            Dinatang lang Apon queti Duyong

            Deng laing comanggi buri dong ibacsac.

            Ing pipagalan nang pituluanang pawas

            Anac ng bayani niting Filipinas

            Itang Lakambini asias neng matatag

            Telacad neng hukbo da reting gerilia.

                [Isang araw, Linggo ng umaga

                Dalawampu’t isa ng Pebrerong nakalipas

                Dumating ang Hapon dito sa Duyong

                Ang lahing kayumanggi, gusto nilang ibagsak.

                Ang kanyang pinagpaguran at pinagpawisan

                Anak na bayani nitong Pilipinas

                Yaong Lakambini pundasyon niyang itinatag

                Itinayo niya ang hukbo nitong mga gerilya.]

9.

            Wala akong intensyong muling buhayin ang isang namamatay na alamat.  Ganoon lang talaga marahil ang buhay.  Mawawala at mawawala rin ang maraming bagay; hindi naman dapat pigilan ang paglisan ng mga bagay.  Nakalulungkot lamang isipin na ganoon ang patutunguhan ng lahat.

10.

            Sabi ni Apung Cuwang:

            Kasama ko si Kuyang Lakambini nang maglaban sa baryong ito.  Nuong umpisang laban, kumbaga sa manok, nanalo kami.  Ngayon, nag-retreat kami sa baryong ito.

            Nakagwardya ako nang aktwal na laban na iyon.

            Ngayon, nang bandang alas singko nga ng umaga, sabi ng Nanay ko, dahil nakagwardya ako: “Anak, kumain ka muna,” aniya.  “Magmiryenda ka na,” wika niya.  “Opo,” sagot ko.  Pero nang nagmimiryenda na ako, nang maisubo ko na ang putong puti, dumating si Del Bato.  Kasama namin siya.  “Ah,” sabi ko, “Aguila, laban!”  Ang mga Hapon naman, nanggaling naman sa pulo ng Ninong ko.  Nanggaling sa Bahay Pari.  Lumitaw sila sa gawing patubig papunta sa sapa, kung tawagin ay Duyong.  Ngayon, bumaba ako.  Sabi ng nasira kong Nanay, “mag-ingat ka, iho.”  “Heto po, hindi ko na maiiwasan,” sabi ko sa kanya.

            Pagdating namin sa patubig na iyon, nag-firing line kami.  May nobenta kami sa Squadron One-O-One (101) noon.  Ang labang iyon ay hindi alam ng halos lahat ng aming kasama.  Ang nakakaalam lang, ‘yung mga narito lamang.

            Nag-firing line kami sa lugar na iyon.  Siguro, nang pinaputukan namin ang mga Hapon, ang layo namin magmula dito hanggang sa bahay na iyan (mga limang metro ang layo).  Malabo ang mga mata nila kaya hindi nila alam na may naka-firing line duon.  May bilang na trese ang Hapon; ika-labintatlo ang sibilyan.

            Ngayon, pinaputukan namin sila.  Sa labintatlo, nakatakbo ang dalawa, ‘yung ikalawa, ‘yung sibilyang Pilipino.  Nakarating sila sa kampo ng Bahay Pari, pero ‘yung isang Hapon, nakuha naming buhay.  Dahil siguro sa pagod, inupuan na lang niya ang kanyang baril.

            Ngayon, nang makuha naming buhay ang Hapon, nag-retreat kami dahil teritoryo namin ang lugar na ito.  Ito ang aming kampo.  Kaya lang, ang Hapon, nagpapakaladkad, ayaw talagang lumakad nang matino.  Naghihintay siya ng sukuro o sasagip sa kanya.  Ngayon, dahil ayaw lumakad ng Hapon, pinapalo namin siya ng aming baril.  Ang sabi pa sa amin: “Pilipino, Japanese, tomadachi.”  Ang ibig niyang sabihin, magkaibigan kami at magkapatid.  “Oo,” sabi namin.

            Nang makarating kami ng kampo, pinapapatay sa akin ni Lakambini.  Pero ako, kahit na kalaban pa siya, kapag nakagapos, naaawa akong patayin siya.

            Ngayon, nang pinapapatay sa akin, hindi ko nga pinatay.  Pinakiusap ko sa kanya.  Sabi ko, “Kuya, hindi ko siya mapapatay.  Papatayin ko iyan kung kakalagan siya ng gapos.”  Ang ibig ko bang sabihin, ‘pag pinatay mo ang tao nang walang laban, utang mo ang buhay niya sa Diyos, hindi ba?  Ganoon ko pinag-aralan.  “Kung hindi mo makuhang mapatay,” sabi ni Lakambini, “ibigay natin sa sibilyan.  Patayin nila nang walang putok.”

            Ibinigay namin sa mga sibilyan.  Ang ginawa na lang ng mga sibilyan, nilagare nila ang leeg saka ibinaon sa labak.

            Ngayon, nakakampo nga kami rito.  Ang ginawa ni Kuyang Lakambini, umakyat siya sa bahay ni Apung ano, na nakatawid sa pulo.  Namintana siya.  Nakita niya ang mga Hapon.  N’ung umpisa, labinglima lang sila.  Marunong magtaktika ang mga Hapon.  Binilang niya.  “Labinglima.  Kayang-kaya natin.”  Pinatawag naman niya kami dito sa pwesto naming ito.  Ang nasirang Tata Iro, tatay ng kumpare ko, saka si Kuya Maneng, bago kami lumaban ng dalawang beses, hinatiran pa kami ng kanin.  Pinagdala kami ng pagkain.  Nang maiabot sa akin ang kanin, sinabi ko, “Kuya, umalis na kaya kayo.  Laban ito, e.”  Pinaalis ko na sila.  Pagkatapos naming kumain, sabi ni Del Bato, “Kuya Aguila, laban ito.”  Binilang ni Kuya Lakambini ang Hapon, “Labinglima.  Kayang-kayang natin.”

            Ngayon, palibhasa kabataan at hindi pa kami nakakatikim na hinahabol dahil kami ang humahabol, kaya siguro ang tapang namin nuon.  Kabataan, e.  Siguro, mga eighteen o nineteen ako nuon.

            Pagdating namin sa kabilang Duyong, nakita namin ang mga Hapon.  Meron silang labinglima.  Nagkawayan pa kami.  Face-to-face talaga.  Sabi ni Lakambini, “pabayaan ninyo silang mamaril.  Tayo, huwag muna.  Makuha sana ninyo ang mataas na pilapil na iyon.  Gawin ninyong kublihan.”

            Gumapang kami, pero pinapuputukan kami habang gumagapang.  Sa kagagapang namin, dinatnan namin ang mataas na pilapil.  Sabi ng nasirang Lakambini, “Diyan kayo magbara.  Iyan ang gawin ninyong kublihan.”

            Nang kasalukuyang naglalabanan, hindi pa dumating ang maraming Hapon.  Ang karamihan pala, nasa iskwela ng Mananquil.  Nang talagang labanan na, saka sila dumating.  Para silang baka sa dami nila.  Hindi na kami maka-retreat.  Ngayon, ang sabi ni Lakambini, “kapag malapit na sila, magpaputok kayo.”  Nang malapit na nga sila, nagpaputok kami.

            Diyos ko, nang paputukan kami, mayroon yatang kalahating oras.  Walang puknat na banat.  Usok na lang ang makikita mo.  E ako, dahil ito ang Duyong, iyan ang sapa at ito ang pilapil na kublihan namin, sa pampang ng Duyong na ito, dito ako nadestino.  Puno ng kawayan ang narito.  “Ang mga kumakaway ang hadlangan,” sabi ni Lakambini.  Dito ako sa pampang ng Duyong na ito.  “Ang mga kumakaway, baka hindi natin makita.”  Diyos ko, walang puno ng kawayan na hindi tinamaan.  Putok lahat.  ‘Pag minsan, kalahating oras kaming pinapuputukan.  Parang mura ang mga bala.

            Nang malapit na nga sila, sabi ng nasirang Lakambini, “magpaputok na kayo.”  Nuon kami nagpaputok dahil palapit sila nang palapit.  Dahil sa kakapalan nila, sabi ko kay Quezon, “Quezon, paputukan mo sila ng automatic rifle, baka makapunta pa sila rito.”  Ang ginawa nga ni Quezon, pinaputukan niya ng automatic rifle.  Bong, bong, bumatsibong, sabi ng automatic rifle.  Kahit na marami ang bala, napapatulala pa rin ako, kahit na nakikita kong napapataas ang paa nila kapag tinatamaan sila.  Kung ngayon ko makitang maggagayon ang Hapon, kapag itinaas nila ang sable nila, iwagayway nang ganito, ang ibig sabihin ay “advance.”

            O ngayon, dahil nga sa kakapalan nila, sa lapot nga nila, nakikita kong nabubuwal talaga sila.  Napapatulala pa rin ako kahit napakakapal nila, dahil nakikita ko silang nabubuwal.  Pero hindi namin masugpo, anak.  Hindi namin mahadlangan.

11.

            Sabi ni Apung Maning:

            Malapit sa pulo namin ang pinaglabanan nila.  Duon sa pulo, sa gitna ruon.  Oo, duon, duon mismo.  E nanduon ang pulo namin nuon, e.

            Umakyat ako sa sampalok.  Nanuod ako.  Tuwang-tuwa pa ako.  Pinanood ko sila.  Matutuwa kang talaga.  Naghahabulan, e.

            Pero ngayon, hindi ako aakyat nang ganoon.

            Pero, talagang pinanood ko sila.

12.

            Marami pa ang dapat alalahanin.  Siksik pa sa gunita ang bawat tupi ng utak.  Marami pang puwang sa alaalang iyon ang dapat punuan, hindi sa pamamagitan ng mga imahinasyong hinahabi ng naglalamay na utak, kundi sa pamamagitan ng pagdudugsong ng mga tiniklop na tinig ng mga nasa laylayan ng kasaysayan.

            Ang pagpupuno ng malalim na kawalan, sa kasaysayan man o sa kontemporaneong sariling naghahanap ng kabuluhan, ay lagi’t laging maghahanap ng lagusan ng liwanag.  Sagkaan man ninuman, o ng anuman ang puwang na iyon ay igigiit at igigiit pa rin nila ang kanilang tinig na sadya o di-sinasadayang winawaglit at winawaldas ng kasalukuyang panahon.  Dahil may mga bagay sa kahapon na nais umamot ng espasyo ng kasalukuyan.  At may mga bagay sa kasalukuyan na nais tumudla sa mga espasyo ng kahapon.

            Paano ititiklop ang mga salansan ng alaala sa bukbuking baul ng gunita?

13.

            Sabi ni Apung Cuwang:

            Nakita ko nang tamaan si Lakambini, maging ang Ninong ko nang tamaan siya sa ulo nang nagre-retreat na kami.

            Tinatalian niya ang sugat ng isa naming kasama.  Nakadapa na siya, e, kaya hindi siya tinatamaan.  Kaya lang siya tinamaan nang tinatalian na nga niya ang sugat ng isa naming kasama.  Nakaluhod siya, tapos, hayun, kitang-kita ko nuong tamaan siya dito sa ulo.

            Ngayon, hindi kami makatayo habang nagre-retreat.  Alam mo ba kung ano ang ginagawa namin?  Sinisipit namin nang ganito (sa pagitan ng mga binti) ang baril namin habang nagpapagulong-gulong para makarating sa isang pilapil habang ang iba ay nagpapaputok.  ‘Yung unang makarating sa pilapil, siya namang magpapaputok habang ang huli ay gumagapang papunta sa amin.  Ganoon, kaya hindi nila kami nakuha.

            Nagsunog ang mga Hapon.  Nagpatangay kami sa usok, kaya hindi rin nila kami makita nuong pa-retreat na kami.

            Pero kung matapang sila, makukuha nila kami.  Napakadami nila samantalang kami’y kakaunti.

            Iniwanan na namin sina Lakambini dahil mauubos kami.  Konti lang kami.

            Pero nang gabing iyon ay dinalaw namin ang aming mga naiwang kasama, sina Lakambini.  Dinalaw namin sila nang walang sulo.  Kinapkap namin sila.  Nilibing man sila ng mga sibilyan ay nakalitaw naman ang kanilang mga tuhod.  Nakapkap nga namin ang kanilang tuhod.  Hindi masyadong nailibing.  Hayun nga, nag-check up lang kami saka bumalik sa kampo.

            Nakakampo kami nuon sa may mga kawayanan, sa gubat, hindi dito.  Duon sa may Palillera.  Duon ang kampo namin nuon.  Kaya nuong dalawin namin sila nuong gabing iyon, hindi na kami dito nagkampo.

            E inilibing nga si Lakambini, siguro ng mga taong baryo, tulong ‘yung may kamag-anak na malapit. 

14.

            Totoong nakakapagod maglakbay sa loob.  Nakakapagod bumalik sa sarili, parang may tinutuklap sa aking pagkatao na mga langib ng mga sariwa pang sugat ng aking kaluluwa.

            Hindi ko alam kung ano itong nararamdaman ko.  Tiyak akong hindi ito kalungkutan, hindi ito pagluluksa.  Marahil, ganito sa mundo ng mga patay.  Walang kategorya ang mga damdamin at alaala.

15.

            Sabi ni Bapang Adiong:

            Hindi na nakita ni Nanang Ading si Lakambini dahil sa wala sila, nakabakwet sila, dito sa may sakop ng Kalantipay.  Kaya ‘yung mga anak din niya, hindi na nakita ‘yung tatay nila, dahil d’on sa pagkabakwet nila.

            Kinuwento na lang ni Apung Ige kay Nanang Ading ‘yung pagkamatay ni Lakambini.  “Patay na,” aniya, “ang asawa mo.  Nasawi sa pakikipaglaban sa mga Hapon.”  N’ung masabing gan’on, nag-iiyak ‘yung asawa, si Nanang Ading.

            Nuong kunin namin ang bangkay ni Lakambini, pagkaraan ng tatlo o apat na araw, mga alas nuwebe ng umaga.  Ang kasama namin n’on, ‘yung mga kapatid niya, saka ‘yung tatay niyang si Tata Ige nga.  Lahat-lahat, bale apat kaming kumuha ng bangkay ng nasirang si Lakambini.

            May nakapagturo sa amin na doon nila nilibing, kaya hinukay namin, duon namin pinuntahan sa sinabi nilang lugar.  E, wala na, lusaw na.  N’ung dinadampot n’ung kapatid ang laman ng kapatid, e, buo-buo na, lusaw.  Saka ‘yung mga buto, durog nang talaga, wala ka nang makukuha na siya ay tao pa.  Lusaw na talaga ang katawan dahil hindi naman naisilid sa ataul, basta inilibing na lang sa lupa, tapos tinabunan na.  Kaya ang nangyari, n’ung damputin ng kapatid niya ang laman nang kanyang pagkahukay, minsan ay may nadadampot pang lupang kasa-kasama, kaya lang pinipili na niya ‘yung laman ng kapatid niya.

            Hiwa-hiwalay na kinukuha ang laman, kung minsan may buo, minsan may maliliit.  Ganoon ang nangyari sa katawan ni Bapang Pepeng.  ‘Yung laman pala ng tao, ganoon, parang karne-norte.  Pati ang taba ng tao, gano’n din, para kang nagbukas ng karne-norte, maputi din ‘yung taba.  Kaya hindi na ako kumakain ng karne-norte dahil naaalala ko ‘yung nakita kong iyon n’ung kinukuha ‘yung mga laman ng nasirang Bapang Pepeng.

            ‘Yung gintong ngipin niya, nandoon sa kanyang bungo, nando’n sa kanyang bibig, nakakabit pa nga.  Kaya lang, ‘yung laman ng kanyang bungo, e wala na rin, hiwa-hiwalay na.  ‘Yung buhok, buo pa, hindi nalulusaw.  Ganoon pala ang buhok ng tao, hindi kadali-daling nasisira.  Kaya lang, may nakadikit sa kanyang bungo, may nakahiwalay.

            Pagkatapos ay nilagay namin sa kahon.  ‘Yung kahon na pinaglagyan, maliit lang, parang kahon lang ng tuyo, ganoon lang kalaki.  Pagkasilid nga sa kahon, pinako na ng kapatid ang kahon, tapos, nilibing na namin sa sementeryo.  Ibinaon din namin sa lupa, wala na. 

            Edad ko no’n, nasa disinuwebe hanggang bente.

            Basta nagtitiis kami duon sa amoy, mabaho.  Mabaho ang tao pala.  Sa lahat ng pinakabulok, pinakamabulok ang tao.

16.

            Kumanta si Apung Maning:

            Beinte uno ia bulan ning Febrero

            Libu siyam aralan apat ampong atlu

            Abac na maranun ning aldo Domingo

            Ila ring milaban detang siento uno.

            Ing pilabanan da baryo ning Concepcion

            Baryong pagmaragul ning Balen San Simon

            Carin la mepucsa ding dacal a Apon

            Caring sundalus na ngeni ning 101.

            Ing pamilaban da, apat lang metanggal

            Caring sundalus na ning balen tang tibuan

            Dapot careng Apon ating aduang dalan

            Careta nang mete quing Duyong melacuan.

            Meiala iang palad itang Lakambini

            Ampon detang atlu caiang talatuqui

            Aguia mang mete la, mavie lamu uari

            Queti Filipinas, linto lang bayani.

            [Beinte uno ng buwan ng Pebrero

                Isang libo siyam na raan apatnapu’t tatlo

                Madaling araw ng Linggo

                Sila ang lumaban, silang siento uno.

                Ang pinaglabanan nila baryo ng Concepcion

                Baryong ipinagmamalaki ng Bayang San Simon

                Doon napuksa ang maraming Hapon

                Sa mga sundalo ng 101.

                Sa pakikipaglaban nila, apat ang nalagas

                Sa mga sundalo ng ating bayang tinubuan

                Ngunit sa mga Hapon mayroong dalawang daan

                Sa mga namatay sa Duyong naiwan.

                Sinamang-palad itong si Lakambini

                Maging ang tatlo niyang mga kasama

                Kahit patay na sila, mananatili silang buhay

                Dito sa Pilipinas, lilitaw silang mga bayani.]

17.

            Tuluyan nang nginatngat ng lupa ang iyong katawan, Lakambini.  Ni sa isang krus na pananda ay hindi ka na makikita.  Isa kang alaala na sa mahabang panahon ay naging kuwentong isinalaysay at himig na inawit ng aming mga ninuno.  Nabuhay kang parang alamat sa aming kamusmusan.  Subalit, tiyak akong ang iyong alamat ay tuluyan na ring maglalamat sa gunita ng aming mga apo.  Hanggang ang kuwento at awit na naging alamat ay mawalan na rin ng saysay sa mga anak ng aming mga apo.  Nakakatakot mawalan ng hugis ang buhay.

            Pero doon din naman ang tungo ng lahat.

            Subalit nakalulungkot isiping marami pang kuwento ang dapat naming marinig, mga tinig na baka hindi na namin marinig kung hindi matututo ang aming henerasyon na makinig sa mga bulong ng inyong nakaraan.  Sadya yatang ulyanin ang aming panahon, na para bang ang mahalaga lamang ay ang isinisigaw ng aming mga aninong naghahanap ng payong na masisilungan o saklay na makakapitan.

            Maaaring magsisisi at magsisisi pa rin si Apung Mameng, kung bakit ni maliit na pilat ng digma ay hindi siya nagkaroon, upang may maipagmamalaki raw sana siya sa kanyang mga apo na siya ay naging bahagi ng isang mahalagang yugto ng ating kasaysayan.  Maaaring mapapapalatak pa rin si Apung Cuwang kung bakit ipinagkakanulo na siya ng kanyang memorya gayong marami pa siyang dapat na linawin.  Maaaring mapapaos pa rin si Apung Maning at masisintunado na ang kanyang tinig gayong marami pang musika ng digma ang dapat niyang awitin upang kanya pang maiparirinig ang mga ito sa mga nawawala at lumilisang anak ng Duyong.  O maaaring wala na rin siyang puno ng sampalok na maaakyatan upang tanawin ang iba pang malulupit na digmang araw-araw na nagaganap sa kanilang baryo.  Maaaring makalimutan na rin ni Apung Marcing ang kanyang tula kay Lakambini gayong marami pa siyang testimonyo na gusto niyang magsilbing saksi sa binuburang alamat ng kanilang kasaysayan.  Maaaring mas masasansang pang amoy ng digma ang bubuntot kay Bapang Adiong gayong mas nanaisin niyang malanghap ang berdeng amoy ng kanilang mga bukid.  At iyong iba pa nilang kasamahan na marahil ay nakakahalubilo natin sa araw-araw, makikilala kaya natin ang mga matatandang ito na ibinayubay ang kanilang mga sarili sa larangan ng digmaan upang tugunan ang hamon ng kanilang panahon?

            At ikaw, Lakambini, saan patungo, o may patutunguhan pa ba, ang iyong alamat na hinabi ng Duyong, maaaring hindi pa para sa iyo kundi, higit sa lahat, para pa sa kanila?

            Marami nang bayani at martir ang hinirang ng kasalukuyan.  Ang ilan ay mga bayaning walang intensyong maging bayani, samantalang ang karamihan ay iginigiit na gawin silang bayani, kung bakit ay hindi ko maintindihan.  Ang maraming pangkaraniwang mamamayang araw-araw na nakikipaggiyera sa buhay, araw-araw na nakikipagbuno sa dahas ng noon at ngayon, araw-araw na pinagmamaramutan ng katarungan at kalayaan, araw-araw na minumulto ng estado at ng makapangyarihan, saan sa bukas sila ilalagak?

            Ngayon pa lamang ay iba’t iba nang paghuhusga ang ipinapataw sa inyong nakaraan.  Marami sa paghuhukom na ito’y nagtatakwil sa inambag ninyong lakas.  Subalit tiyak akong marami pang hukom ang magtutuwid ng mga pagpapasyang ito.  Maaaring marami ang naging pagkakamali ng inyong henerasyon, subalit marami ring pagkakamali sa paghuhusga na ginagawa ang aming henerasyon.  Kaya marahil hindi namin mapagdugsong ang inyong nakaraan sa aming kasalukuyan, kaya marahil lalong lumalawak ang puwang, lumalalim ang kawalan.

            At kami, magiging alamat din ba kami tulad mo, Lakambini?  Magiging awit din ba kami o kuwento o tula, o isang manipis na pilas ng gunita sa kasuluk-sulukang tupi ng utak ng aming bukas?  Mayroon bang magtitiyagang gunitain ang aming kasalukuyan?  Mayroon ba kaming ginagawa sa kasalukuyan na karapat-dapat na gunitain, tulad ng pagtugon ninyo sa tawag ng inyong panahon?

            Saan namin ibabaling ang aming mga mukha?  Sa panahon ng pagbubuwag at pagpapanibagong-tatag, saan namin itutulak ang aming mga lakas, ang aming mga karanasan?  Saan namin isusubi ang aming imahinasyon nang sa gayon ay may malikom kami sa panahon ng kagipitan?  Saan kami kukuha ng mga sagot sa isang panahong tinatamad nang dumama?  Maraming sagot, subalit alin sa mga sagot na ito ang tama, alin ang mali?  Paano iwawasto ang mga mali ng maraming nakaraan, paano pagtitibayin ang mga tama ng maraming nakaraan?

            Anu’t anuman, kakailanganin ng pagpapasya sa maraming bagay.  Magkakamali rin kami, subalit tiyak akong marami rin kaming magiging tama.

            Subalit paano kami huhusgahan ng susunod na mga henerasyon?

           Anu’t anuman, may kanya-kanyang pagpapahalaga ang bawat henerasyon.  At anuman ang mga pagpapahalagang iyon, ang inyong mga tinig, ang aming mga tinig, ang mga tinig ng mga susunod pang henerasyon ay tiyak na magtitipon-tipon at magtatagpo sa tipanan ng ating tagumpay.

x x x

 

 


Blog EntryNov 8, '08 12:12 AM
for everyone

081105, Montral, Quebec, Canada

 

 

2007, USA

Change we can believe in: rekindling hope

 

I reject the notion that the American moment has passed.  I dismiss the cynics who say that this new century cannot be another when, in the words of President Franklin Roosevelt, we lead the world in battling immediate evils and promoting the ultimate good.

“I still believe that
America is the last, best hope of Earth. We just have to show the world why this is so. This President [Bush] may occupy the White House, but for the last six years, the position of leader of the free world has remained open. And it’s time to fill that role once more.

- Senator Barack Obama,

2007 speech to the Chicago Council on Global Affairs

 

1899, Las Islas Filipinas

Change our anonymous katipuneros believed in: usurping hope

 

Providence has given the United States the duty of extending Christian civilization.  We come as ministering angels, not despots.

- Senator Knute Nelson of Minnesota,

from a heated debate in the US Senate in 1899

regarding the annexation of the Philippines as a US territory

 

Under the 1899 Treaty of Paris, Spain officially ceded the Philippines, Guam and Puerto Rico to the United States in exchange for $20 million.  By that time, the Filipinos had already won the revolution they waged against Spain, which occupied the Philippines for nearly 350 years.  The ratification of the Treaty by the US Congress shattered the hope of the katipuneros for a truly independent Philippines.  Having bought the Philippines from Spain (when the Philippines had already gained its independence), the US intensified its military presence in the Philippines to annex the islands into its territorial domain. “There was nothing left for us to do but to take them all, and to educate the Filipinos, and uplift and civilize and Christianize them” (US President McKinley, 1899).

Some historians say that these ‘agents of change’ killed and injured approximately half a million Filipinos during their occupation of the Philippines.  The US ‘granted’ the Philippines its independence close in the middle of the 20th century, but established and maintained for the second half of the century two major military bases in the country to secure US military, economic and political interests in the Asia-Pacific region. 

 

My generation has learned to live under the memory of all this aggression faced by my ancestors. 

 

My generation waged our ‘people-power revolution’ in 1986.  We ousted a dictator whose 14-year martial rule the US government supported, silently.  Not much has changed since then, however.  Then came 9/11.

 

2001, Canada

In the aftermath of 9/11: recasting hope

 

Before I left the Philippines for Montreal in 2001, a friend advised me to collect a handful of the earth of home, carry it with me on my trip, and scatter it in the garden of my first home in Canada or in any pot of soil in my first apartment.  This, she says, would not only remind me of home, but would ensure that home will always be with me.  But the fears and phobia that enveloped the soul of the guilty and the guiltless in the aftermath of 9/11 prevented me from carrying a handful of my earth of home, worrying that airport authorities would not believe, nor would care to understand, my faith in the fable of the handful of the earth of my home.

 

I never had the audacity to carry a handful of the earth of my home, all because of the scripted fears the Bush-led US government had planned for our generation.  I tolerated and permitted the lies of the world to delete a handful of myself.  I never imagined that I could allow myself to conspire, in fearful silence, with the debilitating suspicions and threats of the creators of fears and annihilation.  But it also dawned on me that silence – feigned silence – could be a very potent weapon against all the organized terrors of the powerful.   

 

05 November 2008, Montreal

A day after the US elections: revising hope

 

Obama said in his campaign that his ‘hope’ will change the United States of America.  That hope, he claimed, will also change the world. 

 

It sounded like redeeming the world, like the redemption proferred by the American government when it annexed an independent las islas Filipinas into its territory. 

 

Nigerian novelist Ben Okri wrote in his Booker Prize-winning novel, The Famished Road, that, perhaps, what we need is not to redeem the world, but to redream the world.  I want to believe – or I need to believe – that Obama’s version of hope is his way of redreaming the world. 

 

I would admit that in my heart I wanted Obama to win.  But there is also something in my heart that tells me to believe not in the gospel truth of his words, but in the differently situated and positioned truth of my own history. 

 

I am inclined to believe that Obama’s vision of hope – the new vision or revised image of hope and change from the perspective of the US electorate – is filled with compassion.  But compassion can turn into despair and grief, based on the experiences of my elders and the contemporary history of my generation.  Those experiences are our shared history of collective grief and despair – a consequence of American foreign policy not only since 9/11 but way back over a century ago, i.e., since 1898. 

 

I hope that Obama’s redreamt hope is an alliance of several hopes that believes in multiple visions of change without any entrenched oppression.  We, Filipinos, need to claim our stake on this hope – our version of hope – to fortify the collective dreams of our anonymous revolutions. 


Blog EntryNov 1, '08 11:34 AM
for everyone

Matagal akong nawala sa mundong virtwal

081101

Montreal, Quebec, Canada

11.08-11.28 am

 

Matagal akong nawala sa mundong virtwal.  Sabagay, hindi naman regular ang buhay ko sa mundong virtwal.

 

Matagal akong nawala sa mundong virtwal.  Dahil sumingit ang totoong mundo sa pagitan ng mga virtwalidad.

 

Matagal akong nawala sa mundong virtwal.  Kinailangang harapin ang totoong mundo.

 

Bumabalik ako sa totoong mundo.  Upang muling paalalahanan ang sarili na may totoong mundo, labas sa mundong virtwal. 

 

Bumalik ako sa totoong mundo.  Dahil may gustong pigilang pagyao.  Dahil may dapat hayaang mga pagyao. 

 

Bumalik ako sa totoong mundo.  At muling dinama ang yakap ng pamilya, kamag-anak at kaibigan, at mga bagong kakilala. 

 

Bumalik ako sa totoong mundo.  Upang muling balikan si Nanay, sa kanyang mga huling sandali.

 

Bumalik ako sa totoong mundo.  Upang yakaping muli si Nanay, ang lahat-lahat sa kanyang pagkatao, ang lahat-lahat sa kanyang nakaraan.

 

Bumalik ako sa totoong mundo.  Upang balikan ang lahat-lahat sa aking buhay, ang lahat-lahat sa aking loob na kanyang iniiwan. 

 

Lumisan si Nanay, bitbit-bitbit ang halos lahat-lahat sa aking loob.

 

Bumabalik ako sa totoong mundo.  Para muling balikan ang mga ipinahiram sa akin ni Nanay.

 

Bumabalik ako sa totoong mundo.  Upang muling damhin ang mga dapat ay kay Nanay.

 

Bumabalik ako sa totoong mundo. 

 

Bumabalik ding muli sa mundong virtwal.

 

Bumabalik ako sa mundong virtwal, habang tumutulay sa dalamhati ng totoong mundo. 

 

Ano ang mundo labas sa mundong virtwal at totoong mundo?

 

Itatanong ko kay Nanay.  Pauunlakan ko rin minsan ang paanyaya ng mundong iyon. 


YCC AWARDS 2007
True big guns of Philippine cinema gather for one whole afternoon

The Film Desk of the Young Critics Circle finally holds its formal ceremonies to honor the elite circle of winners for the 18th Annual Circle Citations (YCC Awards) for Distinguished Achievement in Film for 2007 this Thursday, 7 August 2008, from 1 to 5 p.m. at the Pulungang Recto of Bulwagang Rizal (Faculty Center Conference Hall) in UP Diliman.

Brillante “Dante” Mendoza, Lav Diaz and Nick Deocampo are the truly great guns and symbolic tycoons of Philippine cinema gracing the affair. Mendoza (Best Picture for Foster Child) and Diaz (Best Achievement in Cinematography and Visual Design for Death in the Land of Encantos) lead this year’s YCC honorees. Deocampo delivers the keynote address—signaling the first time a filmmaker is handpicked for the annual pivotal task that has now become YCC tradition. Scholars, academics, critics in different fields of fine and liberal arts not alone cinema have previously done the honors.

Heavy star power is provided by Jason Abalos—this year’s Best Performance winner for Endo which also won Best Achievement in Film Editing and Best Achievement in Sound and Aural Orchestration. Aside from bagging the top plum—the Best Picture prize awarded in the prestige style of international film festivals to the director, Foster Child won Best Screenplay.

A list of complete winners and nominees for this year’s YCC film awards by categories is as follows:

Best Film of the Year
Winner: Foster Child directed by Brillante Mendoza (Seiko Films; Robbie Tan, Executive Producer)
Nominee: Endo directed by Jade Francis Castro (ufo Pictures; Ned Trespeces, Michiko Yamamoto, Emmanuel de la Cruz and Raymond Lee, Producers)

Best Screenplay
Winner: Foster Child (Seiko Films) – Ralston Jover
Nominee: Endo (ufo Pictures) – Jade Francis Castro, Michiko Yamamoto and Raymond Lee

Best Achievement in Cinematography and Visual Design
Winner: Death in the Land of Encantos (Sine Olivia) – Lav Diaz, Director of Photography; Dante Perez, Production Designer
Nominees:
Foster Child (Seiko Films) – Odyssey Flores, Director of Photography; Ben Padero, Production Designer
Still Life (Sining Ko Ito Productions) – Dan Villegas, Director of Photography; Cris Silva, Production Designer
Tirador (Centerstage) – Brillante Mendoza, Julius Villanueva, Jeffrey de la Cruz, Gary Tria, Directors of Photography; Deans Habal, Harley Alcasid, Production Designers

Best Achievement in Film Editing
Winner: Endo (ufo Pictures) – JD Domingo
Nominee: Tirador (Centerstage) – Charliebebs Gohetia

Best Achievement in Sound and Aural Orchestration
Winner: Endo (ufo Pictures) – Corinne de San Jose Cruz and Mark Locsin, Sound Engineers; Owel Alvero, Musical Director
Nominees:
Still Life (Sining Ko Ito Productions) – Joey Santos, Sound Engineer; Wincy Ong, Musical Director
Tirador (Centerstage) – Ditoy Aguila and Junel Valencia , Sound Engineers; Tere Barrozo, Musical Director

Best Performance by Male or Female, Adult or Child, Individual or Ensemble in Leading or Supporting Role
Winner: Jason Abalos in Endo (ufo Pictures)
Nominees:
Cherry Pie Picache in Foster Child (Seiko Films)
Eugene Domingo in Foster Child (Seiko Films)
Ron Capinding in Still Life (Sining Ko Ito Productions)

Established in 1990, YCC is the academe-based critics group with members coming from various disciplines. Through the years, they have become attentive observers of Philippine cinema constantly bringing into the analysis of film an interdisciplinary approach.

The organization departs from many conventions of other award-giving bodies both here and abroad in bestowing cinematic honors. For instance, the award for Best Film of the Year is reserved for the director such that no separate prize for direction is needed. The Best Performance award is most coveted as it is conferred on a screen performer whether male or female, adult or child, individual or as part of an ensemble, in leading or supporting role. To uphold a more dynamic and encompassing way of looking at films, technical honors refer to fusion of outstanding efforts in fields otherwise deemed apart. In this case, the Best Cinematography and Visual Design recognition covers both camerawork and art direction. Similarly, Best Sound and Aural Orchestration encompasses not just sound engineering per se but musical score as well. #

Blog EntryAug 2, '08 1:30 PM
for everyone

Gano’n pala ang pakiramdam na bisitahin ang site ng isang kakilalang namatay.  Kahit na sabihin pang virtwal na bakás lang ‘yon, para pa ring tuloy ang buhay. 

 

 

Pwede bang ipagpatuloy ng buháy ang buháy pang site ng isang namatay na tao ?   Ang gandang topic nito para sa isang short story o short film.  Walang agawan.  Titiyakin kong mumultuhin ko ang sinumang mang-aagaw ng istoryang ito. Grabe sa sumpa, ‘no? hehehehe. 

 

 

Palagay ko, kailangan ko na talagang isabmit ang aking disertasyon.  Kulang lang siguro ako sa tulog. 

 


Eli G.

080620

11.49am-12.03pm

rue de la Peltrie

Montreal, Quebec, Canada

 

 

Ilang siklo na ng panahon ang nagpapalit-palit, nagpabalik-balik, nagpaikot-ikot.  Pero heto pa rin ako, nagsusulat pa rin ng disertasyon. 

 

Naalala ko tuloy si Einstein, isang tanang buhay ang ibinuhos para sa kanyang E=mc2.  Ako, pumapatak na sa halos 600 pages itong sinusulat ko (double-spaced, 12 fonts), pwera pa ang figures and tables, appendices, at bibliography (single-spaced, 10 fonts).  Hindi ko sinasabing para akong si Einstein.

 

Naisip ko lang, ang tatlong letra, isang ‘equal’ sign at isang nakaangat na numero na finormulate ni Einstein, nabago niya ang mundo.  Ang libo-libong salitang sinusulat ko, matitinag kaya nito ang mundo?  Tiyak ako, ni hindi nito masasaling ang mundo. 

 

Pero hindi na kailangang maghanap ng kabuluhan.  Ang mas importante, sa ngayon, makapag-CR na ako, agad!  Dahil kanina pa ako najejebs, kanina pa ako najijingle.  Pinilit ko lang isingit ang biglang ragasa ng mga ideyang ito.  At pinilit ko rin lang na i-share ito kaagad sa lahat.  Dahil natatakot akong mawala rin lang nang basta-basta ang laman ng utak ko ngayon, tulad ng marami nang pinakawalan, pinawalan at pinabayaang ideya, dahil hindi agad naisulat, isinulat.  Masakit sa pusong maghagilap ng mga napabayaang ideya.  

 

Pero kailangan nang harapin ang tiyak na magpapabago ng aking nararamdaman.  Kailangan ko na talagang jumebs.  Dahil ayokong lumuha ng ihi, ayokong dumighay ng amoy utot.


Blog EntryApr 16, '08 3:51 AM
for everyone
hay, salamat, natapos din yung mga chinechek kong final research papers ng mga estudyante ko.  nacompute ko na rin yung mga final grades.  pwede ko na ring ipasok sa university system yung grades using our website, pero tinatamad na ako, 3.47am na.  bukas na lang.  sarap magchek ng papers habang pasilip-silip sa blog hahahahaha, or let's put it this way: sarap magblog habang pasilip-silip sa chinechek na papers hehehehehe.  bukas, balik na ako sa tinatapos kong isang chapter ng disertasyon.  hindi ko maconclude-conclude, kahit alam ko kung paano ako magcoconclude.  yun naman ang susunod kong tatapusin. 

Blog EntryApr 13, '08 2:46 AM
for everyone
Napansin ko, puro himutok ang nilalagay ko dito.  Next time, kung kelan man 'yon, magpopost din ako ng isang akdang nakangiti.    

Blog EntryApr 12, '08 1:50 AM
for everyone

Sa aking mga anak,

 

Ang aking sining, ‘yan ang aking buhay.  ‘Yan lang ang puwede kong ibigay sa inyo.  ‘Yan lang ang kaya kong ipamana sa inyo, habambuhay, hanggang kahit saan, kahit kailan.

 

Ihanda ninyo ang iyong mga sarili sa maraming pag-iisa at pagsasarili.  D’yan nabubuo ang maraming pagkatao.  D’yan nahuhubog ang makataong pakikipagkapwa.

 

Kung saan man kayo dalhin ng inyong bubuuing pagkatao, huwag kalimutang umuwi, hindi sa inyong nakaraan, kundi sa inyong bukas.  Huwag kaligtaan ang lahat ng nakaraan sa lahat ng bukas na inyong uuwian.  Huwag limutin ang maraming pagkatao at pagkakataong bumuhay at patuloy na bubuhay sa inyo bilang tao.

 

Sa pagbubuo ninyo ng inyong pagkatao, isama ang aking mga kuwento sa inyong puso. ‘Yan ang aking puso.  ‘Yan ang inunan ng aking pagkabuo.  Basahin ninyo ang mga ito sa iyong paglalakbay hanggang ang mga kuwento ay maging inyo, hanggang ang mga diwa ng aking pagkatao ay maging diwa’t unawa n'yo rin, kung inyong gugustuhin. 

 

Ang aking mga likha, ‘yan lang ang puwede kong ibigay sa inyo.  Pag-ingatan n'yo sana.  Ingat lagi.

 

ako,

tatay 

Montreal, Quebec, Canada

 


Blog EntryApr 12, '08 1:38 AM
for everyone

Di ka pa man nagpaparamdam ay nagpaalam ka na. 

 

Gano’n yata talaga ‘yon.  Sabagay, wala naman akong hawak sa panahon mo.  Kaunti, meron, pero hanggang do’n lang 'yon.  Ikaw, ikaw lang ang magtatakda ng iyong panahon, pagdating man iyon o pamamaalam.

 

Naisip ko tuloy, sana ay isa ka na lang awit, mas madaling likhain, kahit punong-puno ng bigat sa dibdib.  O isang tula, mas madaling buhayin, kahit balisang-balisa sa pangangalap ng pagkatao sa bawat kataga.  O isang kuwento, mas madali sa imahinasyon, kahit punong-puno ng lungkot na nanunuot sa bawat himaymay ng kalamnan, pumipilay ng kaluluwa. 

 

Isa lang ang hihilingin ko sa iyo.  Sana, may sapat pang panahong nalalabi para sa akin na makilala ka, na mahalin ka, kung sakali mang magdesisyon kang maging amin.  Sana ay may oras pa tayong magkita nang matagal, magkakilanlan nang tao sa tao. 

 

Hihintayin kita.

 

Nais ko sanang ipamalas, anak, ang pagmamahal ko sa iyo.  Nais ko sanang ipamahagi, ibigay nang buong-buo, ang malaking-malaking bahagi ng buhay ko sa iyo.  Punong-puno ako ng buhay kahit nagmamadali ako sa pagbabalik sa aking inunan.  Ayokong manatili lang ang sarili sa sarili. 

 

Pasensya kung minamadali kita.  Pakiramdam ko kasi'y minamadali na rin ako ng kung anumang dulo meron ang buhay.  Para akong hinihila. 

 

Hihintayin kita. 

 

Pero kung sakaling hindi ka makapaghintay, hindi ako magtatampo, hindi ako magagalit.  Hiling ko, magparamdam ka man lang.  Para alam ko kung maghihintay ako o hindi.  O kung bubuhayin na lang kita sa aking gunita. 

 

Para alam ko rin kung sino ang aking lilingunin sa pagharap ko sa dulo. 

 

 

Hihintayin pa rin kita, anu’t anuman.  Kahit maubusan na ng hininga ang mundo, tinitiyak ko sa iyo, titiyakin ko sa iyo, mag-iiwan ako ng kahit na manipis na buntong-hiningang magbibigay-buhay sa kung anumang bakás ang iiwanan ko sa lahat ng mahal ko sa buhay. 

 

Nais ko sana, magpang-abot pa tayo.  Kung mamarapatin mo lang naman. 

 

Hanggang sa muli, anak. 

 

ako,

ang naghihintay mong ama

01 Pebrero 2004, 3:01-3:46 ng umaga

3675-A rue Drolet, Montreal, Quebec, Canada

 


Pages:12